Katulad ng ibang mga mag-asawa ay nagkakaroon din ng hindi pagkakaunawaan sina Melai Cantiveros at Jason Francisco. Ang isa sa mga pinakamatinding naging away ng mag-asawa ay noong kasisimula pa lamang ipatupad ang community quarantine. “No’ng unang month kasi hindi kami nago-grocery sa amin. Sa loob lang talaga kami ng bahay, ang nago-grocery sa amin, ‘yung guard namin, pinapakiusapan namin. Para safe lang talaga. dumating ‘yung time na kailangan talaga niyang asikasuhin ‘yung mga bagay and pwede na lumabas. Ako takot ako kasi hindi ka pa marunong. Kapag lumabas ka, dapat alcohol ka bago ka humawak sa mata. Napunta na sa trust issue. So ako naman, kapag dadaldal na siya, nagwo-walkout na ako. Nagalit ako, ‘Huwag ka na, personal assistant kasi papapasukin pa dito.’ ‘Yung personal assistant niya, kaibigan niya din. Nagtampo siya, ako naman, ‘Pakinggan mo ako kasi para sa kabutihan.’ Grabe ang sigawan,” pagdedetalye ni Melai.
Inabot ng isang linggo ang tampuhan ng mag-asawa at muling nagkasundo nang mapag-usapan ang naging gusot sa pagitan nila. “Tahimik kami, hindi kami nag-imikan. Hanggang sa bigla na lang siyang may kailangan sa akin. Tapos bigla din akong may kailangan sa kanya. Nag-usap na lang kami. Doon na kami nag-usap, wala na kaming galit sa isa’t isa. Okay na,” kwento ng aktres.
Para kay Melai ay mahalagang napag-uusapan ng mga mag-asawa ang nagiging alitan para sa kapakanan ng buong pamilya.
Ngayon ay dalawa na ang mga anak nina Melai at Jason, sina Mela at Stella. “Iwo-workout n’yo talaga every day. Magkaroon kayo ng understanding. I-choose n’yo talaga ang isa’t isa kasi alam mong kailangan ng mga bata. Hindi na sarili mo lang ang iisipin mo. Kasi no’ng kayong dalawa pa lang, ‘Ayaw ko, ayaw ko.’ Pero ngayon, lagi mong iisipin ang mga bata kasi kapag nag-away kayo, maghahanap sa papa nila. Ito pa namang dalawa papa’s girl,” paliwanag ni Melai.
Angel, nalungkot sa pagpapatigil ng darna
Ikinalungkot ni Angel Locsin ang pagkakatigil ng produksyon ng pelikulang Darna dahil sa banta ng covid-19 pandemic.
Ayon sa dalaga ay ngayon sana ang tamang panahon upang mapanood ang pelikula at makapagbigay ng inspirasyon para sa mga kababayan na humaharap sa krisis. “Nanghihinayang ako. Sayang kasi panahon ngayon, panahon na kailangan natin ng hero. Maganda sana especially sa mga kabataan na meron tayong someone na tinitingala natin, na merong makakapagligtas sa atin sa lahat ng mga pinagdadaanan natin. Sayang ‘yung pagkakataon,” pagbabahagi ni Angel.
Sang-ayon naman ang dalaga sa naging desisyon ng Star Cinema na ipatigil muna ang paggawa ng naturang pelikula na pinagbibidahan ni Jane de Leon. “Tama naman ‘yung decision for safety ng lahat. May pandemya so kailangan natin sumunod sa protocols. Sabi nga nila, ang bato ni Darna, patuloy na nagniningning iyan at pupunta iyan sa taong karapat-dapat. Huwag po kayong mag-alala, babalik si Darna,” pagtatapos ng aktres. (Reports from JCC)