MANILA, Philippines — Hindi na nakapagtimpi ang komedyanteng si Pokwang, Marietta Subong sa totoong buhay, matapos ang ilang buwang sunod-sunod na nakalululang singilin sa kuryente — dahilan para kastiguhin ng aktres ang isang dambuhalang power distributor.
"May iba pa bang hotline ang Meralco [M]asinag? Wala[ng] sumasagot at 'di sinasagot [ang] mga tawag... [Nang-hula] lang ata sila ng computation," wika ng tanyag na host sa Twitter noong Biyernes. "[Apat] na buwan, P131,312.00. Ano kami, pabrika?"
May iba pa bang hotline ang Meralco masinag?wala sumasagot at di sinasagot mga tawag...ng hula lang ata sila ng computation ...4 na buwan P131,312.00 ano kami pabrika? @meralco
— marietta subong (@pokwang27) August 29, 2020
Agad namang tumugon sa aktres ang Meralco, na tinawag pa siya sa tunay na pangalan, hinggil sa problemang kinasasadlakan.
"Hello marietta. Paki-check ng aming [direct message] for further assistance sa inyong concern. Salamat," reply ng kumpanya sa kanya sa isang tweet.
Hello marietta. Paki-check ng aming DM for further assistance sa inyong concern. Salamat.
— MERALCO (@meralco) August 29, 2020
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng kiskisan sa Meralco ni Pokwang. Taong 2018 kasi nang putulan ng ilaw ang aktres kahit nakapagbayad na naman nang late bunsod ng kabusy-han sa pagkayod.
Basahin: Pokwang hindi nakaligtas sa pamumutol ng ilaw
"Hellleeerrr @meralco ang lupit nyo naman na late lang ng ilang araw dahil sa sobrang busy sa work di agad naasikaso ang bill na kayang kaya [ko naman] bayaran hello???" sambit niya.
"[P]utol agad kung kelan nabayaran na after 1 hour??? [W]alang pinag kaiba sa buwitre mga letse kayo!"
Hellleeerrr @meralco ang lupit nyo naman na late lang ng ilang araw dahil sa sobrang busy sa work di agad naasikaso ang bill na kayang kaya konnman bayaran hello??? putol agad kung kelan nabayaran na after 1 hour??? walang pinag kaiba sa buwitre mga letse kayo!
— marietta subong (@pokwang27) September 13, 2018
Halos hindi na mabilang ang mga electric consumers ng Manila Electric Company (Meralco) na nagrereklamo sa natatanggap na singilin sa kuryente sa buong duration ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic dahil sa biglaang pagsipa ng mga billing.
Marami sa mga nagrereklamo ngayon sa kanilang electric bill ay sinasabing nakatatanggap ng doble, at minsa'y triple, ng karaniwan nilang binabayaran sa konsumo.
Ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang ipaliwanag ng kumpanya ang dahilan hinggil sa mga pagsipa ng bills matapos ang buwan ng Abril, na nagmamarka sa unang buwang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa.
Maliban sa nagpatupad sila ng "estimation" ng tatlong buwang arawang konsumo matapos ang Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR) ng Energy Regulatory Commission (ERC), una nang isinisi ng Meralco ang paggamit nang maraming appliances sa bahay dahil sa mas matagal na pagkukulong dito habang umiiwas sa COVID-19.
Nangyari ang reklamo ni Pokwang kahit Mayo pa lang ay inutusan na ng ERC ang Meralco at iba pang distribution utilities na magsagawa ng actual meter readings batay sa tunay na konsumo ng kuryente ng mga consumer.
May kaugnayan: Meralco babaguhin ang singil ng kuryente mula Marso-Mayo
Nitong Huwebes lang nang patawan ng P19 milyong parusang multa ng gobyerno ang Meralco kaugnay ng paglabag nito sa inilabas na advisories pagdating sa paniningil ngayong lockdown season.