KathNiel at LizQuen, magiging abala!

Enrique at Liza
STAR/ File

Mananatili raw sa Kapamil­ya network ang dalawa sa pinakamalalaking loveteam ng network na KathNiel at LizQuen.

Ang iba nilang stars, nag-e-exodus na dahil sa palagay nila mahihirapang makabangon ang career nila kung wala pang tiyak na pupuntahan ang network.

Kung iyon ay mananatili lamang sa cable at internet, malabo rin. Kung makakabalik naman sa free TV, pero malalagay sa istasyong medyo mahina ang signal, malabo rin iyon.

Hindi naman problema iyon dahil noon pa sinabi na ng ABS-CBN na kung may kukuha sa kanilang iba ay malaya na silang lumipat, dahil wala na ngang pag-asang makakuha pa ng franchise ang network sa susunod na dalawang taon lang.

Ang kaso ng KathNiel at LizQuen, hindi natin maikakaila na malakas ang batak nila bilang isang loveteam, at maging bilang solo stars, at kaila­ngan iyan ng network kung mananatili man sila sa internet, o kung makakakuha man ng blocktime kahit na sa mas mahinang free TV channel.

Para naman sa KathNiel at LizQuen, maliwanag na ABS-CBN ang nag-build up sa kanila. Siguro nga tumatanaw pa rin sila ng utang na loob.

Isa pa, aling network ba naman ang kukuha sa kanila ngayon eh napakataas na rin ng kanilang rates. Dahil sa pandemic, ang daming artistang walang trabaho na payag sa mas mababang presyo. Tutal ganoon din naman ang kanilang sales kung nasa free TV sila.

Maski ang mga anchorperson nila sa radyo, nagsimula na ring maglipatan dahil uncertain kung kailan nga ba makakabalik on the air ang dzMM at ang MOR. Malabo rin naman kung sasabihin mong live streaming lamang sa internet ang kanilang aasahan.

Hopefully makakabalik ang ABS-CBN, hindi lang natin alam sa ngayon kung kailan at kung papaano.

Mowelfund, babalik na sa dating misyon

Gawing institutionalized ang gawaing pagtulong sa mga artista at manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Iyon ang mas maganda kaysa riyan sa ginagawa nilang crowdfun­ding, na pagkatapos may nagbibintang pang “sila ay pinagkakitaan.”

May nagsasabing palaka­sing muli ang Mowelfund, na iyon naman talaga ang layunin, bago nila ginamit sa mga “pagtuturo at pag-aral ng mga gumawa ng pelikula,” na hindi naman objective ng samahan.

May nagsasabi rin namang palakasin ang partisipasyon ng mga manggagawa sa SSS at PhilHealth, eh sa nangyayari ba ngayon sino ang hindi takot diyan sa PhilHealth at SSS?

Talagang babagsak pa rin sa katotohanan na dapat silang matutong hawakan ang pera nila habang kumikita sila na mukhang iyon lang ang solusyon talaga.

Mga dating sikat,‘di matanggap ang kapalaran

Nag-uusap ang dalawang talent managers. May mga alaga silang “dating sikat” na ngayon ay hindi matanggap na tapos na ang kanilang panahon. Alam ng dalawang managers ang mangyayari, kung wala na sila talagang mahanap na proyekto para sa mga laos na nilang alaga, ang sisisihin ng mga iyon ay COVID o kung hindi, sasabihing hindi sila marunong na mga manager.

Hindi nila alam kung papaano nila imumulat sa mata ng kanilang mga alaga na tapos na nga ang kanilang panahon, at sa ngayon marami nang mas sikat, mas may talent, at naghahanap din ng trabaho dahil sa pandemic.

Takot naman sila na kung diretsahin nila, tiyak na tatalakan sila ng mga alaga nilang believe pa rin sa sarili, at baka talakan pa sila hanggang sa social media kagaya ng nakaugalian na yatang gawin ng mga laos nang talents na iyon.

Papaano nga ba dapat?

Show comments