TV Patrol sa lahat ng probinsiya, goodbye na sa ere
Aww bukas na pala, Agosto 28, ang huling paghahatid ng balita ng 12 na lokal na TV Patrol.
Yup, pagkatapos nga ng halos 30 years na sila ay umere at pinagkukunan ng balita at impormasyon ng mga kababayan natin sa iba’t ibang lalawigan sa bansa, babu na sila umpisa bukas.
Kasama sa listahan ng mga tuluyang mamaalam na sa ere ang TV Patrol North Luzon (Baguio, Dagupan, Ilocos, Isabela and Pampanga), TV Patrol Bicol (Naga, Legazpi), TV Patrol Palawan, TV Patrol Southern Tagalog (CALABARZON), TV Patrol Central Visayas (Cebu, Dumaguete, Bohol), TV Patrol Negros (Negros Occidental, Negros Oriental), TV Patrol Panay (Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras), TV Patrol Eastern Visayas (Samar, Leyte), TV Patrol Northern Mindanao (Misamis Oriental, Misamis Occidental Lanao Del Norte, CARAGA, Dipolog), TV Patrol South Central Mindanao (SOCSKSARGEN, Cotabato), TV Patrol Southern Mindanao (Davao), at TV Patrol Chavacano (Zamboanga) na napapanood noon sa 21 regional stations ng ABS-CBN.
Maging ang siyam pa nilang pang-umagang programa sa probinsiya, na nagbibigay din ng balita, impormasyon, at libangan sa mga lokal na manonood, ay mawawala na rin.
Banggit ni ABS-CBN Regional head Tata Sy, hindi lang pagkukuhanan ng balita ang nawala sa mga manonood, kundi isang masugid na tagapaglingkod lalo na sa panahon ng sakuna. “Abot sa mga liblib na lugar ang pagbibigay serbisyo, pati ang mga lugar na tanging broadcast ng ABS-CBN lamang ang naaabot. Bukod sa paghahatid ng balita, ang ABS-CBN Regional news teams din ang nauuna sa paghatid ng tulong sa mga komunidad tuwing tinatamaan ng kalamidad,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, bukod sa pag-aabot ng ayuda, marami pa silang programang public service na tumutugon sa pangangailangan sa kalusugan, edukasyon, kalikasan, at kabuhayan ng mamamayan sa buong taon, tulad ng Grand Halad sa Kapamilya.
Dagdag pa niya na inspirasyon nila rito ang layunin ni Kapitan Geny Lopez na pagbuklurin ng ABS-CBN ang buong bansa sa himpapawid.
Nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang broadcast operations ng ABS-CBN noong Mayo 5 ay patuloy ang pagbabalita nila sa pamamagitan ng YouTube channel at Facebook pages nito.
Ito pa naman sana ang panahon na kailangan ng lahat ang public service dahil sa nararanasang pandemya.
Anyway, mananatili namang banner news program ng ngayon ay Kapamilya Channel ang TV Patrol nina Noli de Castro, Ted Failon and Bernadette Sembrano.
MOR may pasasalamat sa pamamaalam
Speaking of goodbye, magpapaalam na rin ang MOR 101.9 For Life! sa online listeners nito bukas din, Agosto 28, sa pamamagitan ng isang bigating farewell special na pinamagatang Salamat, For Life! na mapapanood sa MOR website, Facebook at Kumu.
Ang MOR ang FM station ng ABS-CBN.
Magaganap ang thanksgiving party na huling araw ng operasyon ng FM radio - Manila halos dalawang buwan matapos na ma-deny ang prangkisa ng kanilang mother network at halos apat na buwan na tumigil ito sa ere.
Handog ng Salamat, For Life! ang mga sumikat na awitin mula sa mga nagdaang dekada sa musical performances ng OPM hitmakers na sina Erik Santos, Jed Madela, Moira dela Torre, at Yeng Constantino at OPM icons na sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, at Regine Velasquez.
Tutugtog din ang mga bandang 6Cyclemind, Banda Ni Kleggy, Better Days, Gracenote, Imago, Itchyworms, Moonstar88, Sandwich, The Vowels They Orbit, at Trinidad kasama sina Mig Ayesa at Arnel Pineda habang nagbabalik-tanaw ang MOR sa mga nagdaang taon.
Pangungunahan naman ng retired MOR DJs na sina Chinapaps at Bob Zilla ang online special kasama rin ang iba pang DJs na sina Maki Rena, Onse, Eva Ronda, Nicki Morena, Jhai Ho, Popoy, Chacha, Ana Ramsey, Bea, Kisses, Toni, Joco Loco, Biboy Bwenas, Chico Martin, at Reggie V. Makakasama rin nila ang MOR station head na si Mars Ocampo.
Owww. todo-todo ang epekto ng hindi pagbibigay ng franchise sa ABS-CBN.
Imagine, ilang empleyado nila na may pamilya ang nawalan ng hanapbuhay.
Grabe. Imagine kung anong pain ng mga empleyado sa kalagitnaan pa rin ng kinaharap na health crisis ng bansa dahil sa pandemya.
- Latest