MANILA, Philippines — Naghahanda na ng pabuya ang provincial government ng North Cotabato para sa sinumang makatutulong sa ikatutugis ng salarin sa pagpatay sa isang Lumad leader nitong Lunes.
Ika-24 ng Agosto nang barilin, laslasan ng leeg at tanggalan ng mata si Bae Milda Ansabo — isang lider ng tribong Manobo — na kilala sa pagprotekta ng kanilang lupain mula sa "pandarambong" ng malalaking negosyante.
Linggo nang mangyari ang naturang pamamaslang ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa Magpet, North Cotabato sa baranggay ng Mahongkog.
Brutal na pinaslang si Bea Milda Ansado, isang Manobo tribe leader, sa bayan ng Magpet, Cotabato noong Agosto 24. Ayon sa mga ulat, pagkatapos barilin ang biktima ay nilaslas ang kaniyang leeg at dinukot ang mga mata. #JunkTerrorLaw#StopTheKillings#JusticeForBeaAnsado pic.twitter.com/oe2zYPVwWv
— NNARA-Youth UP Diliman (@NNARAYouthUPD) August 25, 2020
Ayon sa peasant youth advocates na NNARA-Youth UP Diliman, si Ansado na ang ika-265 magsasaka na pinatay sa ilalim ng rehimen ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang patayin sina Anakpawis chairperson Randy Echanis, Bacolod human rights activist na si Zara Alvarez at magsasakang si Reken Remasog sa Negros Oriental.
Labis namang ikinagalit ni North Cotabato Gov. Nancy Catamco ang nangyaring pamamaslang. Kilalang bahagi rin ng katutubong Lumad — o yaong mga nanggaling sa mga sari-saring tribong hindi Muslim o Kristiyano sa Mindanao — si Catamco.
"This act may instill fear among our [indegenous peoples]... whose only desire is to live in OUR ancestral domain accorting to our culture and tradition," wika ng gobernadora sa isang pahayag.
"Whoever had the evil mind to commit such crime against a helpless and defenseless woman should be brought before the bar of justice."
Posted by Governor Nancy A. Catamco on Monday, August 24, 2020
Pinayuhan din ni Catamco ang pamilya ng biktima at kanilang tribo na magpakatatag at hayaang bigyang hustisiya ng batas ang nangyari lalo na't hindi naman daw sila pababayaan ng gobyerno.
Martes din nang ianunsyo ng governor na handa siyang magbigay ng cash incentives sa mga makapagtuturo at magbibigay impormasyon sa mga pulis kung sino ang mga pumatay kay Ansabo. — James Relativo