Kritiko, ipagpapatuloy ang kuwento ng ‘PM’

Kritiko

MANILA, Philippines — Inilabas na ng rapper-composer na si Kritiko ang pinakabago niyang single na PM, ang ikalawa sa serye ng tatlong orihinal na mga awitin niya tungkol sa bawal na pag-ibig.

Ang pamagat ng kanta na PM ay abbreviation ng mga salitang ‘private message’ na tumatalakay sa matinding pangungulila sa isang tao at pag-ako sa isang kasalanan. Upbeat ang instrumental na ginamit sa rap song na siguradong magugustuhan ng mga makikinig dito.

“Itong PM para sa’kin isa siyang modern story song. Isang kantang may sensitibong laman, ‘di tanggap ng lipunan pero nangyayari sa tunay na buhay,” paliwanag ni Kritiko.

Sinusundan ng PM ang AMAZAK, na siyang nagsimula ng trilogy rap-love songs at na-feature sa New Music Friday at Pinoy Rap playlists ng Spotify Philippines. Pinakamarami rin ang mga nakinig ng kanta sa Amerika, Canada, Singapore, at United Arab Emirates. Kabilang ang AMAZAK at PM  sa debut EP ni Kritiko mula sa Star Music na malapit nang i-release.

Ilan sa mga naging song collaboration niya ay ang Kababata kasama si Kyla na nanalo ng 3rd Best Song sa 2018 Himig Handog songwri­ting competition;  Raise Your Flag kasama si KZ; at ang remix ng Do You Wanna Dance with Me kasama sina Ogie Alcasid at Inigo Pascual.

Alamin ang kasunod ng kwento ng bawal na pag-ibig ni Kritiko sa PM na mapapakinggan na sa iba’t ibang digital streaming services.

Paolo nagpasalamat sa mga sumuporta sa Just In

Katatapos lamang ng unang season ng GMA Artist Center online show na Just In hosted by Paolo Contis at Vaness del Moral.

Para sa season finale episode noong August 12, nakasama ni Paolo ang kanyang mga kaibigan sa PARD na sina RJ Padilla, Antonio Aquitania, Sef Cadayona, Roadfill, at Boy 2 Quizon.

Nagpasalamat si Paolo sa mga nanood at sumuporta sa kanilang 13 episodes. Wish daw niya ay maging safe ang lahat sa kinakaharap nating COVID-19 pandemic. At sa kanilang pagbabalik, i-comment lang ng netizens ang mga gusto nilang mai-guest sa programa.

“Sana habang tumatagal ay safe tayo. We’re all expecting na sa Season 2 ay mas masaya tayo. Kung meron kayong gustong mapanood, gustong i-guest namin, mag-comment lang kayo at susubukan naming pagbigyan lahat ‘yan.”

Show comments