Willie ididiretso na sa mga tsuper ang ayuda
Pabigat nang pabigat na nga ang pinagdadaanan ngayon ng lahat, kahit sinasabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na inaasahan ang COVID-free sa December, dahil sa vaccine mula sa Russia, America at China.
Pero hindi na maiwasang nagkaka-anxiety attack na ang iba dahil sa hindi pa rin nakabalik sa trabaho habang ang iba nga ay nawalan na talaga.
Marami sa mga taga-GMA 7 ang nagbigay ng payo kay Chynna Ortaleza nang mag-post siya sa kanyang Twitter account kahapon ng madaling araw. “Eto yung gabi na medyo mabigat. Sana mawala yung takot ko. Parang kakainin niya buong pagkatao ko.”
Marami sa mga taga-GMA 7 ang nagbigay sa kanya ng payo at sinabing halos lahat sila ay dumaraan sa anxiety attack.
Basta ibahin lang daw ang focus at huwag ituon sa nararamdaman niya.
Sa totoo lang, hindi lang nga si Chynna ang dumaraan sa ganun kundi halos lahat naman.
Mabuti pa nga ang iba dahil may inaasahan pang trabaho, pero ang iba ay wala na talaga. Nagtitiyagang matulog sa kalye para makauna sa pangalawang SAP sa mga remittance center.
Ang mga jeepney driver na hindi pa rin makabiyahe sa ngayon ay hindi na alam kung saan sila pupunta para kunin ang ipinangakong ayuda ni Willie Revillame.
Inaasahan nilang makakatikim na sila kahit magkano mula sa limang milyong pisong ibinigay niya sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Binanggit pa ni Willie na sa susunod na buwan ay magbibigay daw siya uli ng limang milyong piso.
Kaya ang ibang jeepney drivers ay nagsuguran na sa studio niya sa Wil Tower para magbakasakaling makakakuha sila roon kay Willie. Kaya sinabi na ng TV host sa kanyang programa nung nakaraang Miyerkules na huwag silang pumunta sa Wil Tower dahil wala silang makukuha roon.
“In fairness po sa ating gobyerno, ayaw nilang humawak ng pera.
“So kami na ho, at ang aming lawyers po at ang LTFRB po ang nag-aayos po kung saan n’yo po kukunin. Para sa inyo po ‘yan. Huwag kayong mag-aalala. Wala ho kayong makukuha dito.”
Kasama raw niya ang mga abogado niya at ang taga-LTFRB ang mag-aayos ng ibibigay nilang ayuda dahil ayaw na raw itong pakialaman ng gobyerno.
Bago matapos ang linggong ito ay tatawagan na raw niya ang pamilya ng apat na kababayan nating nasawi sa malakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Bibigyan sila ni Willie ng tig-100 thousand pesos.
Move on na raw sa mga negatibong isyu. Binanggit niyang huwag na raw i-bash si Pia Ranada dahil naintindihan naman daw niyang trabaho lang iyon ng naturang journalist.
Welcome na welcome nga raw si Pia kung gusto nitong mag-guest sa kanyang programa.
Nagpasalamat na rin siya sa lahat na nagtanggol sa kanya, lalo na kay Tita Cristy Fermin.
Vice makikipagbanggaan sa TV5
Sinabayan ni Vice Ganda ang launch ng ilang bagong shows ng TV5 magsisimula ngayong araw, Saturday.
Finally ay tuloy na ang dalawang programa ng kanyang Vice Ganda Network.
Ito dapat ‘yung ila-launch nu’ng nakaraang buwan pero hindi natuloy dahil sa nag-crash ang website.
Pero ngayon ay tuluy na tuloy na raw at in-announce na nga niya sa kanyang Twitter account noong Huwebes ng gabi na sa Biyernes na ang kanyang Prize Ganda: Ang Online Palarong Pangmadla na kung saan may pa-cash prize siyang P100k.
Ngayong gabi naman ay ang Gabing-Gabi na Vice na kung saan special guests niya rito ang mga Kapamilya talent.
Ngayong gabi na rin magsisimula ang back-to-back game shows ng TV5 na Fill in the Bank nina Jose Manalo at Pokwang at ang Bawal na Game Show nina Paolo Ballesteros at Wally Bayola.
Susundan ito ng bagong talent show ni Ryan Agoncillo na Bangon Talentadong Pinoy.
Makakatapat nito ang bagong episode ng Magpakailanman na Walang Iwanan: The Layug Family Story.
Tampok dito sina Rita Daniela, at ang mag-asawang Nonie Buencamino at Shamaine Centenera-Buencamino.