Ethel ginawang biro ang ‘suicide’
Talagang biro lang naman ang sinabi sa post ng komedyanteng si Ethel Booba. Ang sabi niya kasi kung talaga raw mabigat na ang kalooban ng mga tao, “may tinda rin akong lubid.” Iyon lang naman ang sinabi niya, pero para saan nga ba ang lubid? Hindi ba ginagamit iyon ng mga nagsu-suicide?
Mabilis namang nag-react ang mga netizen na agad sinabihan si Ethel Booba na alisin ang kanyang post dahil hindi maganda iyon.
Maaari raw may mga taong dahil sa post na iyon, at sa tindi na rin ng nararanasang hirap sa buhay ay maisipan nga ang mag-suicide.
Tama naman sila. Hindi dapat ginagawang biro ang mga seryosong bagay kagaya ng suicide.
Pero may mali rin sila, bakit naman nila binabasa ang posts ni Ethel Booba?
Deliveries kailangan ng sterilization box
Dito sa amin kasi nga apartment building, para mas makapag-ingat ay hindi nagpapapasok other than residents. At noong una kung may delivery na tinatanggap ay sa ibaba lang at sila na ang naghahatid sa mga residente.
Ngayon, ayaw na nilang tumanggap ng deliveries, natatakot na silang humawak ng kahit na ano dahil nabalita nga raw na si Michael V. ay nahawa ng COVID-19 dahil sa deliveries.
Sa totoo lang, nangyayari talaga iyan.
Ang isang solusyon doon, kung ano man ang delivery, bombahan muna ng disinfectant. Pero papaano kung hindi puwedeng mabasa? Papaano kung pagkain iyon? Kaya ngayon ang ginawa nila, kumuha ng sterilization box na may UV light. Ipinapasok muna doon ang delivery ng mga 10 seconds lang naman bago nila hawakan at maihatid sa residents ng building.
Malaki talaga ang epekto ng sinabing iyon ni Michael V., pero hindi kami naniniwala na bumagsak ang delivery ng essential needs. Iyon lang sigurong delivery ng kung anu-anong items lang ang iniiwasan na muna ng mga tao ngayon.
Dahil totoo naman ang sinabi ni Michael V. na delikado talaga iyon. Sa rami ng dinadaanan ng orders, hindi ka nakakasiguro kung mayroon doong infected. Isa lang doon ang infected, possible ngang mahawa ang mga susunod na hahawak.
At maling-mali naman ang ibang mga taong nagsasabing dahil sa sinabi ni Michael V., humina ang kanilang pinagkakakitaan. Palagay namin iyon ang kasunod na dapat i-require diyan sa mga nagde-deliver, lagyan ng sterilization box ang kanilang motorsiklo, sa halip na iyong bag lamang.
Makakasiguro na walang virus ang ihahatid nilang mga produkto, at sigurado rin sila na sterilized ang kanilang hinahawakan.
Dagdag na gastos iyan pero hanapbuhay naman nila iyan.
Mister ng aktres, Pinagpapasa-pasahan ng madadatung
Naaawa na talaga kami kay misis na aktres. Nagtitiis siya at nananahimik kahit na alam niyang ang mister niyang actor ay may lover na gay politician. After all gay naman iyon, at ang asawa niya ay hindi naman gay. Tiyak na pumatol lang iyon dahil sa pera.
Ang hindi alam ni misis, may isa pang lover ang kanyang actor husband na isang tunay na babae, na maganda at madatung din.
Dati siyang entertainer sa abroad, nagkaroon ng asawang foreigner na siyang nagsusustento naman sa kanya. Iyang babae ay lover din ng actor husband at nagsusustento rin sa lalaki. Papaano kung mawili roon si actor-husband?
Ano na ang mangyayari ngayon kay kawawang actress-wife? Left over na lang ang matitira sa kanya.
- Latest