Elizabeth Oropesa iritable sa nanghihingi ng tulong para kay John Regala

Elizabeth

Marami ang naintriga kung sino ang blind item ni Elizabeth Oropesa sa ipinost nito sa kanyang Facebook account na tungkol sa mga taong tinutulungan sa showbiz.

Bahagi ng kanyang post; “It is unfortunate that we chose to help people who were given many opportunities to have a good life, nagkapera, sikat pero winaldas, nag drugs, alcohol at iba pang bisyo.

“Samantalang yung mga pobre na masisipag, mahal ang pamilya, mababait at walang bisyo pero naghihirap ngayon ng husto dahil walang hanapbuhay ay madalas hindi nakatatangap ng tulong dahil hindi kilala ang pangalan. Walang publicity.”

Ipinost niya ito noong nakaraang Miyerkules ng umaga na kung saan pinag-uusapan pa ang pagtulong kay John Regala na nakalabas na ng hospital.

Sabi pa niya : “Itong mga walang pagpapahalaga sa nakamtan nilang biyaya na galing sa langit, madalas pag bumuti ang pakiramdam pagkatapos nating tulungan, balik ulit sa bisyo hangang mamatay o mahuli ng pulis at makulong ng tuluyan.

“Bakit ganun? Ipinopost natin at nagsu-solicit tayo, milyon nga ‘yung isang binayaran sa hospital, na-naospital dahil inatake ng dahil sa pinagbabawal na gamot!

“Then, after being helped..ayun! Balik sa bisyo, nakakulong ngayon. Life is not fair. Naisip ko lang ito.”

Nakakaintriga ang blind item niyang ito na hindi lang si John ang tinutukoy niya kundi meron pa.

Nang naka-text siya ni Jerry Olea, ayaw daw sabihin ni La Oro kung sino ito. May initials lang siya na JD at MF, hindi na siya nagdagdag ng clue.

“Wala lang. Naawa lang ako sa mga dapat matulungan na hindi natutulungan. Sana bigyan naman ng halaga ng mga may pangalang tao ang mga tulong na ibinibigay sa kanila. Ang swerte nila!

“At sana, medyo bigyan na ng priority ng mga matulugin na magbigay ng tulong sa mga mas karapat-dapat,” dagdag pang post ng aktres sa kanyang FB account.

Nilinaw namin ito sa kanya nang nakausap namin sa DZRH nung Miyerkules ng gabi. Kung tingin daw ng mga nakabasa roon ay si John Regala ang tinutukoy, bahala na raw sila. “Yung tinamaan, I’m sorry kung tinamaan. Pero bato bato sa langit, kung tamaan ka huwag sanang magalit.

“Alam naman natin na nangyayari at kasalukuyang nangyayari from the past at itong the present,” pakli ni La Oro.

Pero bandang huli ay inamin naman niyang puwedeng tamaan si John sa statement niyang iyon dahil ilang beses na rin naman daw tinulungan at binigyan ng pagkakataon ang naturang aktor, ganon pa rin.

“Wala namang masama dun kung gustong tumulong. Kanya-kanya ‘yan di ba? Pero yung akin lang, ang dami niya kasing sinayang na pagkakataon. Kung ikumpara mo dun sa dati na talagang mahirap pero masipag, wala lang suwerte dahil hindi kilala. Hindi natutulungan, kawawa naman,” saad ni Elizabeth.

Nakakalungkot lang daw na meron pang mas kailangan ng tulong na matitinong tao, minalas lang talaga dahil inabot ang mga ganoong problema, pero walang tumutulong.

Kagaya raw ng mga bit player, mga production staff na kumikita lang kapag may shooting o taping.

Ngayong natigil ang trabaho, ang iba raw ay nagkakasakit at talagang walang mapaghugutan ng perang panggastos.

Palibhasa hindi kilala, hindi naman daw sila natutulungan ng taga-industriya.

“Si John naman ewan ko kung anong nangyari na napariwara ang kanyang buhay, matagal na matagal na panahon na rin naman ‘yang dinaranas yan.

“Palagi rin naman siyang tinutulungan para maka-bounce back. Palagi rin namang nauuwi sa wala kaya siya nagkakaganyan ngayon,” dagdag niyang pahayag.

Mabuti lang daw at marami ang tumulong sa kanya, pero sana papansinin din daw iyong hindi kilala, na kapos, talagang nangangailangan na mas karapat-dapat tulungan.

“Kung ako ang may pera, magsu-solicit ako dun sa talagang may pagpapahalaga sa buhay,” dadag niyang pahayag.

Ipinost na nga ni Liza Diño-Seguerra na nakakangiti na raw si John pagdating nito sa condo niya.

Tuluy-tuloy pa rin ang medication niya at may sapat pa siyang panggastos sa gamot dahil sa mga dumating na tulong sa kanya.

Sana nga hindi na maulit ang mga nangyari noon kay John, dahil mahirap na ring ihingi pa siya uli ng tulong.

Lipatan ng news personalities, puro tsismis

Mainit na pinag-uusapan ang paglipat ng sikat na tandem na sina Anthony ‘Ka Tunying’ Taberna at Gerry Baja sa DZRH. Lalo pang nakumpirma nang ipinost ni Ka Tunying na tumatawid sila ni Gerry sa Star City na pag-aari ng Manila Broadcasting Company ng DZRH.

Ang Star City ay katapat lang ng naturang radio station.

Wala pang dagdag pang pahayag si Ka Tunying tungkol sa isyung paglipat, pero sabi naman sa akin ng maybahay niyang si Rosell, hindi pa raw nagkapirmahan ng kontrata kaya wala raw muna silang masasabi sa ngayon.

Ang isa pang mainit na ring pinag-uusapan ay baka sumunod na rin daw sa DzRH sina Kabayan Noli de Castro at Ted Failon.

Malapit na rin kasi silang magpaalam sa kanilang programa sa radyo, pero tuloy pa rin daw ang TV Patrol. Kaya pawang haka-haka pa lamang ang sinasabing paglipat nila ng ibang radio station.

Ang isa pang tsismis ay nasa TV5 naman daw si Julius Babao.

Pero mas naka-focus muna ngayon ang TV5 sa mga bagong programa nilang sisimulan na bukas, August 15.

Ang back-to-back game shows na Fill in the Bank nina Jose Manalo at Pokwang, at ang Ba-wal na Game Show nina Wally Bayola at Paolo Ballesteros. Susundan naman ito ng bagong talent show ni Ryan Agoncillo na Bangon Talentadong Pinoy na ayon kay direk Perci Intalan ay tumataginting na P2.8M ang kabuuang cash prize na matatanggap ng grand winner.

Show comments