Patuloy pa rin ang ginagawang pagtulong ni Bea Alonzo para sa mga kababayan nating labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng I Am Hope Organization na pinangungunahan ng aktres.
Noong Hunyo ay personal na dinala ng dalaga ang mga relief bags at disinfectants kay Mayor Vico Sotto para sa mga taga-Pasig. Mainit namang pinag-usapan sa social media ang ginawang ito ni Bea dahil pareho umanong walang kasintahan ang dalawa. “Nakakatuwa ‘yung mga tao, hiyang-hiya ako kay Mayor. As much as possible, I try not to make it about me. Kasi I feel like it’s bigger than me. We have a responsibility nowadays to make everyone aware about what’s happening. And so that they could help, too,” pahayag ni Bea.
Naging malapit ang aktres sa ina ni Mayor Vico na si Coney Reyes nang gawin ang pelikulang Four Sisters And A Wedding noong 2013. Gumanap na mag-ina sina Coney at Bea sa naturang proyekto kaya naman ‘Hi Mama! Nakilala ko na ang paborito mo!’ ang naging simulang caption ng dalaga sa Instagram post.
Makikitang magkasama sina Bea at Mayor Vico kaya talagang nag-trending ito kamakailan. “Kasi I thought it was just funny. Kasi ‘yung time na nando’n kami, we were murmuring about it. Even ‘yung taga-I Am Hope. So I thought it would be funny if I post something like that. So hindi ko naman inasahan na magiging gano’n,” paliwanag niya.
Aminado naman si Bea na talagang hinangaan niya ang pagiging magaling at maabilidad na Alkalde ng binata. “I have so much respect for him because first-hand nakita ko how his people respect him. And talagang sobrang organized sila do’n. They practice social distancing, may sistema talaga do’n. So mas tumaas ‘yung respeto sa kanya in fact,” pagtatapos ng aktres.
Elijah, hindi pa makapaniwalang sikat na
Kamakailan ay nasungkit ni Elijah Canlas ang Best Actor award para sa pelikulang Kalel, 15 sa 17th Asian Film Festival na ginanap sa Roma. Mas nakilala ang aktor sa Gameboys na pinagbibidahan nila ni Kokoy de Santos.
Pumatok sa netizens ang naturang digital BL (boys’ love) series kaya masayang-masaya si Elijah. “Dahil pandemic at dahil nasa loob tayo ng mga bahay natin parang hindi pa po talaga namin nararamdaman na kilala na ako. Mahiyain po kasi talaga ako sa totoong buhay. Medyo private po talaga ako as a person. Tapos dumami ‘yung followers ko. Hindi ko na makita lahat ng notifications ko kaya do’n ko po siya nararamdaman. Medyo surreal pa rin po talaga. Hindi pa rin nagsi-sink in,” pagbabahagi ni Elijah.
Sa ngayon ay maraming mga karakter pa umano ang gustong gampanan ng baguhang aktor. “Pinaka-pangarap ko po talaga is to portray a mentally disabled character. I’m sure sobrang hirap no’n that’s why it excites me so much. Isa pong pangarap ko ay maging isang action star. Nagkaroon na po ako ng gun training, pati po stunts training. Mahilig din po ako sa mga action films, natutuwa po ako lalo na ‘yung mga FPJ (Fernando Poe, Jr. films), ganyan,” paglalahad ng aktor. (Reports from JCC)