P5-M donasyon ni Willie Revillame sa jeepney drivers na 'di makapasada habang lockdown

Makikita sa larawan ang aktor at komedyanteng si Willie Revillame (kaliwa) habang kasama si presidential spokesperson Harry Roque (kanan)
Video grab mula sa Facebook account ng state-run PTV4

MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga lockdown dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic at mga pagsabog sa Lebanon na ikinamatay ng apat na Pilipino, nagmagandang-loob ang komedyante at host ng palatuntunang "Wowowin" na maglabas ng milyun-milyon mula sa sariling bulsa at tumulong.

'Yan ang kanyang inanunsyo sa publiko matapos ang sorpresang paglabas sa press briefing ng Malacañang, Biyernes nang hapon.

"Ngayon, sa sarili kong pinag-ipunan, dahil ako naman po ay may trabaho ngayon... gusto kong tumulong una doon sa mga jeepney drivers ano. Sa tingin ko, ito ang unang nangangailangan," sabi ni Willie Revillame.

"Ang balak ko ho ay magbigay ng P5 million... sa araw na ito, handa ako, at ibibigay sa jeepney drivers na talagang namamalimos na."

Ilang buwan na kasing hindi pinapayagan pumasada ang libu-libong jeepney driver, lalo na sa Metro Manila, bilang pag-iingat ng gobyerno laban sa hawaan ng COVID-19.

Pero dahil diyan, wala tuloy kinikita ang 66,055 jeepney units magpahanggang sa ngayon, bagay na nagtutulak para sa umasa sa ayuda o mamalimos na lang ng pera.

Basahin: 6,002 NCR jeeps babalik bukas, malayo sa kabuuang 74,000 — PISTON

May kaugnayan: LISTAHAN: 17 ruta ng jeepney na balik-pasada sa Metro Manila bukas

Ang tulong para sa mgas nasabing tsuper mula Maynila, Quezon City at iba pang lugar ibinigay ni "kuya Will" kay presidential spokesperson Harry Roque, na naroon din sa studio nang ianunsyo ang kanyang tulong.

"Next month, magbibigay uli ako ng P5 million doon sa mga taong talagang nangangailangan. Kung kakayanin kong monthly ito, sasabihin ko kay Secretary Harry Roque," dagdag pa ng aktor.

Tiniyak naman ni Roque na mapapakinabangan ng mga tsuper ang nasabing ayuda: "[T]atanggapin ko naman po ito, pero itu-turn over ko po natin ito sa DSWD at DOTr. Meron po talaga silang sistema ng ayuda na ibinibigay sa mga jeepney driver," sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"Sisiguruhin po natin na ang lahat ng ibibigay niyo na P5 million ngayon ay makakarating sa mga jeepney driver."

Nangyayari ang lahat ng ito habang hindi pa rin tapos at long-overdue na ang pamamahagi ng second tranche ng social amelioration program (SAP) para sa mga pinakamahihirap na apektado ng kaliwa't kanang lockdown.

Kahapon lang nang sabihin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagsak nang husto ang ekonomiya ng Pilipinas — ang pinakamalala simula 1981 — dahilan para mauwi na sa "technical recession" ang Pilipinas.

May kaugnayan: Philippines plunges into worst economic slump under democracy

Nitong Abril 2020 ay ay naitala rin ang record-high na 17.7% na unemployment rate dulot ng pagkakatanggal sa trabaho ng marami at pagsasarado ng mga negosyo kasabay ng lockdown. 

Biktima ng Beirut blasts

Pero hindi natapos diyan ang pamimigay ng tulong ni Willie, lalo na't narinig niya ang nangyaring mga pagsabog sa Lebanon noong ika-4 ng Agosto, na ikinasawi na ng apat na Pilipino at ikinasugat ng 31 iba pang kababayan.

Basahin: Patay na Pinoy sa 'Beirut explosions' umakyat sa 4, sugatan 31 na

Ayon pa kay Revillame — na hindi naka-face mask pero naka-social distancing — magbibigay siya ng P100,000 sa pamilya ng apat na overseas Filipino workers na namatay sa Beirut explosions.

"'Pag tutulong ka, lubus-lubosin mo na. 'Yung apat na pamilya po na naulila, I'm willing to give P100,000 each. Sa mga kababayan natin. Nadudugo ang puso ko sa ating mga kababayan," sabi pa niya.

"Basta't hangga't kaya kong tumulong, kasama ko naman ang GMA-7 diyan, gagawin ko."

Sumatutal, aabot sa P400,000 ang tulong na ipadadala aniya ni Roque sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang tulong.

Show comments