Michael Pacquiao trending, nagpaulan ng 'bars' sa Wish Bus — oo, 'yung anak ni Manny

Kuha kay Michael Pacquiao habang pine-perform nang live ang awiting "Hate" sa Wish 107.5 Bus
Videograb mula sa YouTube channel ng Wish 107.5

MANILA, Philippines — Kung mabilis sumuntok si eight-divisiion champ at "Pambansang Kamao" Manny Pacquiao, tila ganun din kabilis ang kanyang anak — sa pagra-rap.

Lagpas 2 milyon na ang YouTube views ng hip-hop performance ni Michael Pacquiao sa Wish 107.5 Bus matapos gulatin ang marami sa bilis at angas mag-rap ng kantang "Hate" — kahit kahapon pa lang ito in-upload.

 

 

Ayon sa wesbite ng Wish 107.5, kanta raw ito ni Michael — ang ikalawang anak na lalaki ni Pacman — para "patahimikin ang mga haters" at ipakita ang kanyang husay sa sining.

Bahagi ang "Hate" ng kanyang debut album na "Dreams," na kalalabas lang ngayong 2020 at mapakikinggan nang buo sa streaming platforms gaya ng Spotify. Kapansin-pansin ang impluwensya ng trap at lofi hip-hop sa kanyang mga beats at awitin.

 

 

Umani tuloy ng mga positibong komento ang binata, hindi lang sa delivery at lyrics ngunit pati sa aniya'y mapagkumbaba niyang asta.

"[H]e's got better lyrics than those fil rappers nowadays who objectify women just to trend and sell records," sabi ng YouTube user  na si ???????

"[H]e raps like an international Rapper . Dope man," sabi naman ng isang user na nagngangalang Maki Gaming.

Sabi naman ni E L L E R I T A, halatang mahiyain pa si Michael tuwing nagpe-perform ngunit natural lang naman daw ito sa mga nagsisimula pa lang sa eksena.

Hindi naman napigilang magbiro ng ilang netizens gaya ni Jonas Ian Igoy hinggil sa newfound hip-hop career ng binata.

Manny: Throwing punches
Michael: Throwing Bars

Hiling tuloy ng ilang netizens, gamitin na ni Pacman ang mga kanta ng anak bilang "entrance song" sa susunod na boxing match.

Una nang ipinakita ni Michael ang talento sa musika matapos makipag-collaborate sa rapper na si Michael Bars para sa awiting "Pac-Man" noong Hulyo.

Show comments