Kris, naghahanap ng bagong producer
Nagkaroon daw ng problema si Kris Aquino at ang producer niya kaya napagdesisyunang hindi na raw itutuloy ang programa nito na mapapanood sana sa TV5.
Inaayos daw ngayon ng Cornerstone na matuloy pa rin ito. May isang producer silang kakausapin para maisalba ang show at matuloy ang pagbabalik-TV ni Kris.
May ideya kami kung sinong producer ito, na hindi lang kami sure kung interesado siya sa programa ng original Queen of All Media.
Bukod pa riyan, hindi pa raw ganun kalinaw ang transaksyon dahil wala pang nakaalam kung ano ang plano ng producer ng Love Life with Kris. Tuluyan na ba talaga niyang ibasura o hold lang muna?
Ang isa pang kinu-consider nila, hindi rin daw magandang magsimula ng August dahil ‘ghost month’ ayon sa paniniwala ng karamihan.
Kaya kung naniniwala pa rin si Kris sa Feng shui, malamang na ayaw din niyang magsimula sa buwang ito.
Pati yata ng grand launch ng TV5 ay gagawin na rin daw sa September, para kahit paano ay medyo ramdam mo na ang pagpasok ng Pasko.
Samantala, may naririnig din akong binubuong shows sa ibang istasyon bukod dito sa TV5.
Magiging active din daw ngayon ang PTV 4 at palalakasin din daw ang IBC 13.
May narinig akong isang noontime show, pero wala pang kumpirmasyon kung sa IBC 13 o PTV 4 gagawin.
Maganda rin yan kung matutuloy dahil mas maraming mapagpiliang istasyon, maraming mapapanood.
Salpukan ng ABS-CBN at GMA, tuloy
Hindi pa rin nawawala ang mainit ng kumpetisyon ng ABS-CBN 2 at GMA 7 dahil sa mga sumusuporta sa dalawang network.
Wala na nga ang Kapamilya network, pero nasa online naman sila at nandiyan din ang iWant TV.
Pero nagkaintrigahan ang televiewers dahil sa pagpasok ng GETS ng GMA 7.
Ito ang online site ng GMA 7 na ini-launch nila sa All-Out Sundays noong nakaraang Linggo.
Sabi ng lang supporters ng Kapamilya network, gaya-gaya lang daw ang GMA 7, dahil nauna naman ang ABS-CBN 2 sa kanilang iWant.
Pero todo-depensa ang mga taga-GMA 7 dahil iba raw talaga kapag may network na kung saan doon napu-promote ang mga mapapanood sa GETS.
Nag-trending nga ito nung ini-launch nung Linggo sa AOS, na kung saan bumida sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Alden Richards, Carla Abellana, Tom Rodriguez, Heart Evangelista, at Glaiza de Castro.
Sa www.gmanetwork.com/GETS, mapapanood online, on-demand, at 24/7 ang iba’t ibang exclusive digital content mula sa GMA shows at Kapuso stars.
Kasama riyan ang comedy capsules ng YouLOL, short films mula sa GMA TeleBahay, episodes ng AOS Stay at Home Party, online game shows tulad ng Quiz Beh at E-Date Mo Si Idol, at talk shows na Just In at How Do You Feel.
Sa drama naman, mapapanood sa GETS ang Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday vlogs, live streams ng Prima Donnas Watch From Home, DOTS How You Do It, at Let’s Talk Love ng Love of My Life.
- Latest