Julia, naisalba ng cooking at baking habang quarantine
Mula nang bumukod ng bahay bago magtapos ang 2019 ay maraming mga bagay na ang natutunang gawin ni Julia Barretto. Mag-isa na lamang na namumuhay ngayon ang aktres sa bagong bahay na kanyang naipundar.
Masaya ang dalaga dahil nakapagluluto na siya ngayon. “Cooking talaga, I’ve always dreamt of learning how to cook. When I started living alone, mas nagkaroon ako ng drive how to learn these things. Even baking, it’s very therapeutic to me. I think cooking and baking saved me this quarantine. When I learned how to cook I became more independent in a lot of things. When I cooked, ‘Ay! Kaya ko pala!’ I can learn it pala kahit sarili ko lang. After that everything fell into its right place here in my house. I’m very thankful that I learned how to cook,” pagbabahagi ni Julia.
Ilang buwan nang walang proyekto ang aktres sa telebisyon at pelikula dahil sa ipinatutupad na community quarantine. Nagpapasalamat pa rin si Julia dahil natutunan niya ring patakbuhing mag-isa ang sariling YouTube channel.
Kamakailan ay nakakuha ng Silver Play Button award mula sa pamunuan ng YouTube. “My YouTube (channel) last year was handled by a team. So all I have to do is just show up to shoot. Now I’m like a one-man team like I’m shooting, I’m editing, I’m posting and I’m taking care of my entire YouTube. I’m editing my videos, so I learned a lot of things. Simple things that you learned, you feel na parang you can depend to yourself on a lot of things talaga. Nakaka-proud na when you see the good feedback, when you see how well your channel is doing, the feeling is more rewarding,” paglalahad ng aktres.
Richard, mananatiling kapamilya
Bulung-bulungan ngayon ang napipintong paglipat umano ng mga artista ng ABS-CBN sa ibang istasyon dahil sa pagsasara ng Kapamilya network. Matatandaang hindi inaprubahan ng 70 Kongresista ang pagbibigay ng bagong prangkisa para muling makabalik sa operasyon ang ABS-CBN.
Dahil sa pangyayari ay nawalan ng trabaho ang karamihan sa mga artista at empleyado ng network.
Para kay Richard Gutierrez ay mananatili pa rin siyang isang Kapamilya sa kabila ng mga nangyari. Kasama ang aktor ngayon sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano na napapanood sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live. “I appreciate everything the network is doing. They went through a lot the past couple of months and maraming naapektuhan. So I just want to standby with the network and with the people of ABS-CBN,” pagtatapat ni Richard.
Matatandaang nanggaling ang aktor sa GMA 7 at nakagawa rin ng ilang programa sa TV 5 bago pa tuluyang lumipat sa ABS-CBN.
Kahit iilan na lamang ang natirang programa sa Kapamilya Channel ay nagpapasalamat pa rin si Richard dahil sa pagpapalakas ng online platform ng ABS-CBN. “Ang realization ko sa nangyayari ngayon. ABS-CBN nandiyan pa rin, hindi sumusuko. I think if we look at the positive side of this, which I always like to do. Ngayon ang ABS-CBN ay nabigyan ng opportunity to think out of the box, to even grow as network, to grow creatively, to grow business-wise. I think ABS-CBN will be the pioneers of online content and they’ll be number one online content for sure. I think itong bagong tinatahak na path ng ABS-CBN, I think it’s a breakthrough and I think it’s going to be the pioneer of this kind of system,” nakangiting pahayag ng aktor. (Reports from JCC)
- Latest