Lalaking personalidad, masuwerte sa misis na tumatayong padre de pamilya

Totoo ang kuwentong napakasuwerte talaga ng isang lalaking personalidad sa kanyang misis. Wala nang hahanapin pa ang male personality sa kapareha niya sa buhay na bukod sa mapagmahal na ay masipag pa.

Marami nang pagsubok na dumating sa kanilang relasyon, may mga pagkakataon pa ngang malapit na talaga silang maghiwalay, mabuti na lang at nagkakaayos pa rin sila.

Kuwento ng isang source na kabisado ang buhay ng mag-asawa, “Ano pa ba naman ang hahanapin ni ____(pangalan ng male persona­lity) sa misis niya? Napakamaasikaso sa kanilang mag-aama si ____(pangalan ng kilalang female persona­lity).

“Dakila ang wife niya. Ayaw niyang lumaki ang mga anak nila sa isang broken family, kaya kapag nagkakaproblema sila, e, ang girl ang gumagawa ng paraan para magkaayos sila.

“Ilang beses na ba silang nagmumuntikang magkahiwalay, maraming beses na! Pero ang girl ang nagpapakumbaba, siya na ang nagpapasensiya, huwag lang silang magkahiwalay,” unang kuwento ng impormante.

May kabigatan ang katawan ng male personality habang parang kitikiti naman sa kasipagan ang kanyang misis. Marunong ito sa buhay.

“Nakakahiya mang sabihin, e, parang ‘yung girl pa nga ang tumatayong padre de pamilya dahil siya talaga ang nakasingkaw sa pagtatrabaho.

“Wala siyang tinatanggihang work, kahit ano, basta marangal, e, pinapasok niya para lang siya kumita! Kundi niya kasi gagawin ‘yun, e, siguradong nganga sila!

“May trabaho rin naman ang mister niya, pero paminsan-minsan lang, puwede ba naman silang kumain nang paminsan-minsan lang din, kapag may work lang ang mister niya?

“Kaya napakasuwerte niya talaga sa wife niya na daig pa ang trumpo sa katatrabaho. Hindi nagrereklamo ‘yun, work lang nang work!

“Kung ipaubaya niya kasi ang kabuhayan showcase nila sa mister niya, e, walang mangyayari. Hindi sila magkakaroon ng magandang buhay,” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Stay at home uli…

Balik-MECQ ang NCR at ang mga kalapit na probinsiya. Napuwersa ang mga tagapamuno ng ating pamahalaan para sa deklarasyon dahil patuloy ang pagtaas ng numero ng mga kababayan nating nagkakaroon ng COVID-19.

Napakaraming pasaway, parang nakikipaghamunan pa kay kamatayan ang marami nating kababayan, sumusuko na ang mga frontliners na ilang buwan nang sumusuong sa matin­ding laban sa palaki nang palaking numero ng mga nabibiktima ng coronavirus.

Araw-araw na lang na ipinaaalala ng DOH ang paggamit ng face mask, ang pag-iwas sa matataong lugar bilang pagsunod sa itinatalagang social distancing, ang paghuhugas ng mga kamay para makaiwas sa salot.

Pero marami pa ring kapos sa disiplina, akala nila’y nakikipagbiruan lang sa kanila ang COVID-19 na milyun na ang nilalanos sa buong mundo, wala silang takot na mahawa at makapanghawa.

Pero mas maluwag pa rin ang MECQ kesa sa nauna nating pinagdaanan na ECQ. May mga nakabukas pa ring negosyo, limitado nga lang ang oportunidad, malaking problema lang para sa mga mananakay ang pagsuspinde na naman sa mga pampublikong sasakyan.

Mas ipinapayo ng DOH na manatili na lang tayo sa ating tahanan, pero kung kinakailangan talagang lumabas, kailangan na ng ID at limitado rin ang galawan.

Dahil sa MECQ,tipmmg break muna ng two weeks

Paumanhin po sa mga tagasuporta ng Take It, Per Minute... Me Gano’n, dahil hindi tayo magkakasama-sama nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ngayong Martes nang tanghali.

Palaging sumusunod sa health protocol ang aming digital show, pero mas minabuti ng aming tagapamahalang si Salve Asis na huwag na muna kaming umere, para maging ligtas ang lahat ng may kuneksiyon sa programa.

Dalawang Martes lang naman tayong hindi magkakakuwentuhan sa TIPMMG, puwede pa ngang mapaigsi ang oras, kung papayag nang mag-work from home si Manay Lolit na pinag­dududahan namin.

Hanggang sa August 18 lang ang ibinigay na petsa ng pamahalaan para sumailalim sa MECQ ang NCR, harinawang kapag dumating ang panahong ‘yun ay bumaba na ang numero ng mga kinapitan ng COVID-19, para sa kaligtasan nating mga Pilipino.

Magkaroon na sana ng malasakit sa kapwa ang mga pasaway, kung hindi sila natatakot na mawala sa mundo, bigyan naman sana nila ng pagkakataong mabuhay pa ang mga taong patuloy na lumalaban at umaasang isang araw ay masisilip na rin natin ang isang bagong umaga.

Show comments