MANILA, Philippines — Ano ang masama sa sinabi ni Allan K para siya ay birahin ng bashers.
May isa silang contestant sa Eat Bulaga na umaming may panahong naisip niya ang mag-suicide.
Mabilis namang nagpaalala si Allan K, “masama ang mag-suicide.” Ano ang mali sa sinabi ni Allan K? Nagpaalala lamang iyong tao na masama iyon.
May batayan naman ang kanyang paniniwala. Kasalanan talaga ang mag-suicide. Kasi ang suicide ay nangangahulugan ng “kawalan ng pag-asa.” Iyang pagkawala ng pag-asa, ay kawalan ng tiwala sa Diyos. Kaya nga ipinagbabawal ng simbahan ang suicide at itinuturing iyong isang ma-laking kasalanan.
Hindi rin naman pinapayagan ng estado ang suicide. Kahit na ang tinatawag ngang voluntary euthanasia bawal pa rin sa ilalim ng batas, at maaa-ring managot ang doctor, o kahit na sino na gagawa niyan, kahit na sabihin pang kahilingan mismo ng may sakit.
Dahil common ang mga paniniwalang iyan, hindi mo maiaalis kay Allan K na magpaalala na masama ang suicide at kasalanan iyon. Mas masama naman siguro kung kinunsinti ni Allan K ang suicide.
Ang mahirap lang kasi sa mga tao, lalo na riyan sa social media, napakarami ngayong “mema.” Iyong may masabi lang. May mai-comment lang. Pero hindi iniisip na mabuti kung ano nga ba ang kanilang sinasabi. Kung tama naman ang sinasabi kagaya nga ni Allan K, ay alam mo namang wala siyang masamang intensiyon sa kanyang sinabi, bakit kailangang i-bash?
Hindi kami kani-kanino, pero kung minsan sumosobra na ang sinasabi nilang “freedom of speech” sa social media. Puro sila freedom eh, hindi nila iniisip ang “responsibility” sa kanilang mga sinasabi.
Direk Laurice at Nick, sobra pa ang K sa MMFF
Ang ipinalit ni Metropolitan Manila Development Authority at Metro Manila Film Festival Chairman Danny Lim sa inalis na member ng ExeCom ng MMFF ay sina director Laurice Guillen at ang director ding si Nick Lizaso.
Sino ang maaaring kumuwestiyon kay Laurice na isang premyadong aktres at director ng pelikula? Sino ang makapagsasabing wala siyang karanasan matapos na patakbuhin ang Cinemalaya nang matagal na panahon? Sino ang aangal kay Laurice, na kinikilala bilang isang artist at hindi isang political appointee lang?
Sino ang maaaring umangal sa appointment ni Nick Lizaso, na isang kilalang actor at director din hindi lang ng pelikula kundi maging sa legitimate stage? Si Nick din ang nanunungkulang presidente ngayon ng Cultural Center of the Philippines at chairman din ng NCCA.
Bukod diyan, natatandaan namin, noong 1986, si Nick Lizaso ay madalas na kasama ng producer na si Manny Nuqui at Simon Ongpin, dahil sila ang kumakatawan sa industriya sa pagpapatakbo noon ng MMFF na sa unang pagkakataon ay nasa ilalim ng bagong MMDA.
Noon kasi MMC pa iyan, eh napalitan lahat ng OIC at nawala ang mga dating opisyal, kaya sila ang tumulong para mailagay sa ayos ang festival.
Sila ay masasabing lehitimong lider ng industriya ng pelikula, may sapat na kaalaman at kakayahan, at higit sa lahat may totoong malasakit sa industriya ng pelikula noon pa man.