John Regala itinakwil ng mga kamag-anak, may cirrhosis of the liver at varicose veins sa sikmura
Hindi napiglan ni John Regala na umiyak nang umiyak nang nakapanayam namin sa DZRH nung Martes ng gabi.
Nag-viral ang Facebook post ng isang Grab driver na si Carl Marti Clariza na tinulungan ang aktor na naghihintay daw siya sa kakilala niyang nurse na nagbibigay sa kanya ng gamot para sa gout niya.
Tinulungan naman si John ng barangay dahil sa nakakaawa niyang kalagayan.
Doon nalamang malala na pala ang cirrhosis of the liver at sabi pa ni John meron daw siyang varicose veins sa kanyang sikmura na kapag pumutok ito, doon siya sumusuka o dumudumi ng napakaraming dugo.
Mabuti at kinupkop naman daw siya ng mga kapatid niya sa Iglesia ni Kristo dahil wala na raw siyang kapamilya na nag-aalaga sa kanya. Nakipaghiwalay na rin daw sa kanya ang asawa niya at hindi na rin daw siya inaasikaso ng mga anak niya.
“Yung mga anak ko, medyo nakalimot na dahil may kanya-kanyang buhay na. May sarili nang pinagkakakitaan, matigas na ang buto, hindi na nakakaalala sa kanilang ama. Hindi man lang nila ako maipagmaneho,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni John Regala.
“Wala na rin akong kamag-anak. Magmula nung mamatay yung nanay ko, itinakwil na rin ako ng mga kamag-anak ko. Dahil wala na silang mapapala sa akin,” dagdag niyang himutok.
Nagpapasalamat siya sa mga kaibigan sa movie industry na hindi raw nakalimot na tulungan siya. Ilan sa mga unang tumulong sa kanya magmula nang magkasakit siya ay sina dating Pres. Joseph Estrada at si Rez Cortez ng Film Academy of the Philippines.
Nang napag-usapan ito nung Martes at lumabas na sa mga balita, nagpahayag ng tulong ang ilang mga artista kagaya ni Sen. Bong Revilla Jr., si Vic Sotto, at ilan pang mga artistang hini-hingan na rin ng tulong ng ibang kaibigan ng aktor.
Ngayon ay nasa pangangalaga nga raw siya ng isang may mataas na katungkulan sa INC na ayaw lang daw ipabanggit ang pangalan.
Ayaw ni John na magpa-confine sa hospital dahil natatakot daw siyang mahawa sa COVID-19. “Hindi ako nagpapa-hospital, alam mo naman may COVID di ba? Takot din ako sa COVID.
“Ayoko namang mamatay sa COVID. Gusto ko mamatay naman ako sa…” hindi na niya natuloy ang gusto niyang sabihin dahil iyak na lang siya nang iyak.
Ang hiling lang niya ngayon ay gumaling siya dahil gusto raw niyang makabalik sa trabaho. “Gusto ko makabalik…yung makapaghanap-buhay. Hindi ako sanay na nanghihingi. Nakakahiya yung manghihingi ka.
“Sanay akong tumulong noon. Eh ngayon, ang gusto ko mag-hanapbuhay.
“Itong nala-labing buhay ko gugulin ko na lang sa paglilingkod sa Diyos unang-una at sa paghahanapbuhay para may magamit naman ako sa Iglesia at sa aking sarili. Sa ngayon mamahalin ko na ang aking sarili,” pahayag ni John na patuloy pa rin sa pag-iyak.
MMFF naglagay ng bagong member sa Execom
Ipinahayag na ng Metro Manila Film Festival na idadagdag nila sa Executive Committee sina direk Laurice Guillen at ang Presidente ng Cultural Center of the Philippines at ang Chairman ng National Commission on Culture and the Arts na si direk Nick Lizaso.
Hindi ko na alam kung nagkaroon pa ng pag-uusap sina Liza Diño ng FDCP at MMDA Chair Danny Lim, pagkatapos nilang magkapalitan ng sulat.
Hindi naman matatawaran ang credentials nina direk Laurice at direk Nick para isama sila sa hanay ng Execom ng MMFF. Nauna nang sinabi ni FDCP Chair Liza na nasa mandato ang mga film festivals kasama na rito ang MMFF, lalo na’t involved dito ang public funds.
Pero sabi nga nila, waved kasi sa amusement tax sa mga pelikulang kalahok sa MMFF, kaya dapat ding hawak ito ng MMDA bilang nasa ilalim ito ng pamamahala ng mga Metro Manila mayors.
Nung nakatsikahan nga namin ang dating Sen. Jinggoy Estrada, naging isyu rin itong paghawak sa MMFF dahil nasimulan naman ito ng Mowelfund sa pangangasiwa ng ama niyang si dating Pres. Joseph Estrada.
“Originally, that was founded by my father, 1975 okay?” pakli ng dating senador.
“It was Mowelfund who was handling the MMFF. When Pres. Cory assumed power, she handed it to MMDA or MMC during her time, biglang nawala sa Mowelfund ngayon.
“Originally, waved yung mga amusement taxes eh. So, they have the cooperation of the 17 Metro Manila Mayors. Kaya siguro naisip ni Presidente Cory nun na ibigay sa MMDA yun,” sabi pa niya.
“During the time of my father, I told him to revert it back to Mowelfund, because for me and for movie industry, yung MMDA naman doesn’t have any knowledge about movie industry.
“Kaso bigla namang natanggal ang tatay ko… eh history na yun,” pagsariwa ni Sen. Jinggoy.
Pero sa tingin daw niya ay wala sa mandato ng FDCP ang pag-handle ng MMFF.
“Hindi ko alam kay Liza Diño kung bakit gusto niyang hawakan ang MMFF. I really do not know the reason behind it,” sabi ni dating senador.
Pero kung sa tingin daw ni Liza na dapat nasa FDCP ito, dapat na patunayan daw ng kanyang ahensya na kaya nilang i-handle ang ganito kalaking film festivals.
Kaya lang hindi pa natin natitiyak kung mababalik na ba sa normal sa darating na December at may manonood na ng sine.
- Latest