Aktor na si John Regala sumama ang lagay, sinaklolohan ng deliveryman sa Pasay

Kuha sa batikang aktor at kontrabidang si John Regalo kahapon sa Pasay (kaliwa) habang nanghihina, katabi ng litrato niya sa isang tanyag na eksena sa pelikulang "Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story" (kanan)
Mula sa Facebook account ni Carlo Marti Clariza; Videograb mula sa Youtube channel ng VIVA Films

MANILA, Philippines — Hindi iniwan ng isang food delivery driver hanggang makakuha ng saklolo ang beteranong aktor na si John Regala matapos sumama ang pakiramdam sa Lungsod ng Pasay, Lunes nang hapon.

Ika-27 ng Hulyo nang humingi ng tulong ang batikang kontrabida't action star kay Carlo Marti Clariza — isang Grab Food driver — matapos mahilo't manghina habang hinahanap ang nurse na magtuturok ng kanyang gamot sa "gout."

"Taga-roon daw [sa baranggay 183, Pasay] po yung nurse na nag-i-inject sa kanya ng gamot para sa gout niya," ani Carlo sa panayam ng Pep.ph, Martes.

"Ang kaso di ko po siya maintindihan kase po medyo utal na po magsalita dahil nahihilo po siya kaya humingi siya nang tulong saken," sabi niya pa sa isang Facebook post kahapon.

Siya po Si Mister John Regala Ang sikat na kontra bida humingi nang tulong po kase nahihilo siya may hinahanap siya na...

Posted by Carl Nathan on Monday, July 27, 2020

Agad naman daw lumapit ang rider sa mga tanod at pulis para humingi ng tulong para sa aktor, na kanya palang idol.

Minabuti ng mabuting Samaritano na hindi agad iwanan si Regala, kahit na may trabaho pa sana.

"[M]asakit lang isipin na ang dating idolong kontrabida ay nasa ganyang kondisyon," patuloy niya.

"Kaya mas minabuti ko munang hindi umalis hanggat di pa siya naaasikaso kahit na ako'y may deliver pa."

Lubos naman ang pasasalamat ni Carlo sa mga tanod at health worker na nag-abot ng kanilang tulong kahapon.

Ngayong taon lang din nang sumakabilang-buhay ang ina ni John na si Ruby Regala (Susan Gregorio sa totoong buhay), isa ring aktres, matapos pumutok ang ugat sa utak at magkaroon ng blood clot sanhi ng tumor.

Sinalo naman ng mga "kapatid" niya sa Iglesia ni Cristo ang pagpapagamot at pagpapauwi ng labi ng kanyang ina, na noo'y nasa Amerika nang pumanaw.

Sumikat noon si John bilang kontrabida sa mga pelikulang aksyon noong Dekada '90, at nanalo pa bilang "Best Supporting Actor" sa 2011 Metro Manila Film festival para sa pelikulang "Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story." — James Relativo

Show comments