Bela matagal nang ginugulo ng stalker na idinemanda
Nagsampa ng kaso si Bela Padilla laban sa isang lalaking nagtangkang pumunta sa kanyang condominium unit sa Mandaluyong City. Nangyari ang insidente noong nakaraang Huwebes ng gabi. “Merong lalake na parang nagpupumilit umakyat sa unit ko. Dumating na ‘yung barangay, pinakiusapan na siya ng guard tapos ayaw pa ring umalis. Naka-thirty minutes siya sa condo namin, so ang tagal bago siya napaalis,” kwento ni Bela.
May dalawa pang kasama ang lalaking naghihintay umano sa sasakyan. Pinaghihinalaang isang masugid na tagahanga ni Bela ang lalaking nagpakilala pa bilang kasintahan diumano ng aktres. “Nagsabi siya na kaklase ko raw siya sa Davao. Hindi naman ako ever nag-aral sa Davao. Tapos nag-iba na ‘yung kwento niya. Sinabi niya sa guard na boyfriend ko raw siya. I’ve never met this guy. Don’t come to my house ever again. You’re never invited,” pagdedetalye ng dalaga.
Ayon kay Bela ay matagal nang may nanggugulo sa kanya at posibleng ito rin ang lalaking nagtangkang bumisita sa kanyang condo unit. “Mini-message niya ‘yung hairstylist ko hanggang gabing-gabi na, ang dami niyang sinabi. Alam niya kung saan ako nagte-taping. Alam niya kung saan ako pumupunta. And pinipilit niya talaga, na boyfriend ko siya, nakaka-freak out,” pagbabahagi ng aktres.
Ejay, nagbukas ng restaurant
Nagbukas na ang Okane Charcoal Grill House na negosyo ni Ejay Falcon. Matatagpuan sa Banawe, Quezon City ang bagong restaurant ng binata. Walang mga proyektong ginagawa si Ejay ngayon bilang isang aktor kaya naisipang sumabak na sa pagnenegosyo katuwang ang kasintahang si Jana Roxas. “Matagal ko na pong gustong mag-business at nagkataon si Jana gusto niya din talaga. Then may kaibigan po kami na masasabi ko na maayos na mga tao sa buhay namin at napagkasunduan naming magtayo ng restaurant. Nag-meeting kami then finally nagawa po namin ito,” pahayag ni Ejay.
Ipinatutupad daw ng aktor ang mga health and security protocols sa kanilang restaurant para makaiwas sa banta ng covid-19 pandemic ang sino mang gustong kumain dito. “Ang ginawa namin is parang combination of Korean and Japanese food. Fusion kung tawagin para ‘pag merong may gusto, nando’n na. Sure na safe ka sa iyong paglabas. Our restaurant is thoroughly sanitized with each table to make sure you have a worry-free dining experience,” paglalahad ng aktor.
Samantala, hindi pa alam ni Ejay kung paano ipagpapatuloy ang pagiging artista ngayong sarado na ang ABS-CBN. “Maraming bagay ang walang kasiguraduhan sa ngayon. Marami ang pwedeng mangyari. Pero kailangan ako ng mga kapamilya ko ngayon. Kailangan naming magtulungan at palakasin ang loob ng isa’t isa. Hindi ko sila maaaring iwan sa laban. I’m taking it one day at a time,” makahulugang pagtatapos ng binata.
(Reports from JCC)
- Latest