Kahit ldr pa, Yam ibinigay ang lahat sa dyowa ­

Yam Concepcion at Miguel Cuun­jieng
STAR/ File

Mahigit limang taon nang magkasintahan sina Yam Concepcion at Miguel Cuun­jieng. Ayon sa aktres ay talagang suportado ng nobyo ang kanyang pagiging isang artista. Kung sakaling magpakasal sina Yam at Miguel ay hinding-hindi raw iiwan ng dalaga ang show business.

“Of course, definitely I will say yes (kapag nag-propose si Miguel). Pero ang iwanan ang nagpapasaya sa akin, ang passion ko which is pag-arte, kung mahal niya talaga ako, wala dapat choice. He doesn’t have to give me that choice,” pagbabahagi ni Yam.

Minsan lamang nagkakasama ang magka­sintahan dahil sa Amerika nakabase si Miguel. Para kay Yam ay nananatiling maayos ang kanilang relasyon ng binata kahit na magkalayo silang dalawa.

“’Yung trust na ‘yan, it wasn’t overnight. A lot of work talaga. It took us years and we’ve been through so much and I feel like we are stronger now. I feel that we are unbreakable. Imagine, five years and LDR (long distance relationship), ang hirap no’n. Hanggang ngayon okay pa rin naman kami. In love pa rin kami sa isa’t isa,” paliwanag ng dalaga.

Si Yam ang tipo ng babae na ibinibigay ang lahat ng uri ng pagmamahal sa nobyo upang maging panatag si Miguel kahit magkalayo sila. Hindi rin daw si Miguel ang tipo ng kasintahan na seloso kahit mayroong mga nakakatambal si Yam sa mga proyektong ginagawa.

“Hindi naman, okay naman si Miguel. He’s very secured as a person. Buong-buo (ang pagmamahal ko), I can only give what I can. I am very loyal,” pagtatapos ng aktres.

Vice, ‘di mapilit magka-anak

Malaki ang paghanga ni Vice Ganda sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community na mayroong asawa at mga anak. Para sa TV host ay isang malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng sariling pamilya.

“Saludo ako, hindi ko mawari ang tapang at husay n’yo, kasi ako, hindi ko kaya ‘yon. Laging natatanong sa akin, ‘Hindi ka ba mag-aanak? Sayang naman.’ Sabi ko, kung iisipin ko lang ‘yung kakayahan ko, pwede kong sabihin na kaya ko. Pero ayaw ko kasi talagang i-expose ‘yung magiging anak ko sa cruelty ng mundo,” makahulugang pahayag ni Vice.

Para sa komedyante ay mas mabuti nang siya na lamang ang makaranas ng mga karahasan na kanya na ring nalampasan.

“Ako kaya ko ‘yon, pwede kong sabihin, na handa na ako. Kasi napagdaanan ko na ‘yan, kinaya ko na ‘yan. Pero ‘yung bata, hindi ko lubos na maisip ‘yung hirap ng anak ko kapag sinalbahe ng mga salbahe hindi ba? Parang ako na lang, okay lang kahit mag-isa na lang ako, kahit wala na akong anak, basta huwag na lang magdusa ‘yung magiging anak ko kung saka-sakali,” giit ni Vice. (Reports from JCC)

Show comments