Vivian Velez gustong ‘matokhang’ si Isabel Rivas

Vivian
STRA/ File

Throwback na away binuhay

Marami pa rin ang galit sa nangyari sa ABS-CBN 2.

Ang nakakalungkot, dahil sa magkakaibang opinyon, naghahati-hati at nag-aaway na ang mga nasa iisang industriya.

Matindi ang balitaktakan sa Facebook ng nga beteranang aktres na sina Vivian Velez at Isabel Rivas dahil sa isyung ito.

Naging personalan na ang batuhan at laitan na hindi na magandang tingnan.

Dahil sa pagka-DDS ni Vivian at pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging Director-General ng Film Academy of the Philippines, magkakasunod ang post niya ng pasasalamat sa 70 Congressmen na nag-deny sa franchise ng ABS-CBN 2.

Hindi matanggap ni Isabel na nagbubunyi si Vivian sa pagsasara ng ABS-CBN 2, at sinabi pa niyang “Thank you Congress. You did good for the country.”

Ano kayang kabutihan sa bansa ang pagsasara ng isang malaking kompanya, at ang pagdagdag ng mara­ming nawalan ng trabaho ang sinasabi ni Vivian?

May isa pa siyang post na pinuri si Cong. Rodante Marcoleta na tinawag pa niyang ‘bagong crush ng bayan.’

Kaya matindi ang binitiwang pahayag ni Isabel laban kay Vivian at sinabi niyang wala itong kuwentang tao. “Walang kuwentang tao talaga ito, sexy ka lang nung araw pero no brains ka talaga…

“Nanaba na lang sana utak mo ng may natira ka pang industria na rerespeto sa ‘yo…

“Adding insult to injury ka pa diyan sa mga umiiyak na nakatrabaho mo, wala ka talagang kahihiyan…ingrata!!!”

Mukhang may nakaraang alitan ang dalawang ito na kung saan nabanggit ni Isabel, “45 years kitang kilala, akala ko ako lang aapihin mo, hindi mo pala alam talaga ang salitang kaibigan noh!!!

“True character on display here Vivian Velez…emphaty man lang sana natutunan mo!!”

Walang programa si Isabel sa ABS-CBN 2.

Bahagi siya ng Bilangin ang Bituin sa Langit ng GMA 7.

Si Vivian ay umalis sa ABS-CBN 2 nang nagkaroon sila ng isyu ni Cristine Reyes.

Ewan ko lang kung matagal na siyang may sama ng loob sa ABS-CBN 2, pero sa palitan ng maaanghang na pahayag nila ni Isabel, lumalabas ang tunay na karakter nitong tao o dala na rin ng pagka-DDS niya.

Sinagot niya kasi ng isang blind item na post sa kanyang FB account na obvious namang si Isabel ang tinutukoy niya :“Dating ‘ingiterang’ actress friend, putak ng putak at minumura ako dahil DDS daw ako. Tumitira ka pa rin palaka? #maTOKHANGkaSANA”

Nakakapangilabot itong sagot niyang gusto niyang matokhang ang kapwa artista dahil lang sa galit nila sa isa’t isa.

Ganito talaga ang takbo ng utak ng isa sa mga appointees ng ating pangulo ng bansa?

Kahapon ay nag-post na si Isabel ng isang quote card tungkol sa kahalagahan ng mga tunay na kaibigan. Sabi niya sa caption nito, “Friends who will empathize w/ you when your down & the underdog..(3 hearts emoji) thank you to my friends who’s standing by me at this time…God bless you all (pray emoji).”

May ilang kaibigan si Vivian na nag-post ng kanilang opinyon na kumakampi sa FAP director-general.

Pero sa post naman ni Elizabeth Oropesa sa kanyang Facebook account kahapon, sinabi niyang huwag naman sanang ikatuwa ang pagkatalo ng kapwa natin. “Personal opinion. Sana huwag magbunyi sa pagkatalo ng iba kahit kakampi ka ng nanalo. Pare-pareho kasi tayong Pilipino. Kasalanan ng nasa itaas, nagbabayad ang nasa ibaba. Kawawa naman ang mga nasa ilalim palagi.”

Sinagot siya roon ni Isabel ng, “You have a heart of gold Beth. God bless you more.”

Billy Crawford babalik na sa GMA?!

Ang susunod na pinag-uusapan ngayon ay kung saan na pupunta ang Kapamilya stars.

Kahit tuloy pa rin naman ang ilang programang napapanood sa Sky cable, sa kanilang YouTube at sa iWant TV, mga prime artists lang nila ang nagkakaroon ng programa. Paano ang iba pang walang nasimulang programa at ‘yung iba ay nawalan na talaga?

Nabalitaan na ngang nagpa-handle na raw sa GMA Artist Center si Luis Hontiveros.

Ang isa pang nabalitaan namin ay nakipag-usap na raw si Billy Crawford sa GMA 7. Babalik nga kaya siya ng GMA 7?

Ang iba naman ay masuwerteng napasama sa ilang programang pinu-produce para sa TV5.

Show comments