Ngayong ipinatutupad pa rin ang community quarantine ay nahiligan ni Judy Ann Santos ang pagtatanim. Mayroon nang tinatawag na ‘little bukid’ ang aktres sa mismong bakuran ng kanilang bahay ng asawang si Ryan Agoncillo.
“May mga bagay akong nagawa na hindi ko alam kaya ko palang gawin. Marami akong na-discover sa sarili ko. Mas na-boost pa ‘yung self esteem ko. Kasi now I know mabubuhay ako, kasi kaya ko pala mag-adapt to change. Realization of so many things ‘yung nangyari. Kakalkalin mo talaga ‘yung inner talent mo. Ano pa ang meron ako? Dapat mayroon pa akong alam,” makahulugang pahayag ni Judy Ann.
Mahigit tatlong dekada na ang aktres na aktibo sa show business. Bukod sa pagiging artista ay abala rin si Juday sa pagiging chef sa negosyong restaurant at sa sariling YouTube channel na Judy Ann’s Kitchen.
“Sanay ako buong buhay ko pag-aartista ang ginagawa ko. At some point, kinailangan ko i-stretch out kung ano pa ‘yung kapasidad ko, kung ano pa ang pwede ko gawin outside show business. Sa edad kong ‘to na mayroon kaming maliliit na mga supling, we have to really find ways to earn money and help people at the same time and of course, enjoy our time with the kids,” paliwanag ng Young Superstar.
Loisa naiahon sa hirap ang pamilya
Bata pa lamang ay pinangarap na ni Loisa Andalio na maging isang artista. Mahilig na noon ang aktres sa panonood ng mga teleserye ng ABS-CBN. “Pag may gusto ka talaga at naniniwala ka na magiging ikaw ‘yon, mapupuntahan mo, parang may goal ka. Marami akong iniidolo na parang sabi ko noong bata ako, na parang gusto ko din maging ganyan. So parang gawin mo ang best, magtiyaga ka and mararating mo,” pagbabahagi ni Loisa.
Gusto rin ng aktres na maiahon mula sa kahirapan ang pamilya kaya talagang nagpursigi upang matupad ang pangarap na maging artista.
“Kasi ‘yung family ko talaga, gusto ko talaga maging artista, gusto kong umarte, gusto kong sumayaw, gusto kong kumanta. Tapos nanonood ako sobrang na-inspire ako sa mga pinapanood ko. Tapos nagpi-pray ako naalala ko na may kumakanta, umiiyak ako na sabi ko, ‘Lord gusto ko din pong gano’n,’” kwento niya.
Malaki ang pasasalamat ni Loisa dahil nabigyan siya ng pagkakataong maging isang housemate ng Pinoy Big Brother kung saan siya unang nakilala ng mga tagahanga. Mula noong 2014 ay unti-unti nang naabot ni Loisa ang mga pinapangarap lamang dati. “Ang
galing kasi kumbaga isa akong testigo na totoo ang prayers. ‘Yung mga gano’n binibigay talaga, wait ka lang, relax ka lang, gawin mo ang part mo, gagawin ni Lord ang part niya,” pagtatapos ng aktres. (Reports from JCC)