Pinipilit ngayon ng mga artista na mag-adjust sa ipinapatupad na guidelines at safety protocols.
Nakatsikahan namin ang beteranang aktres na si Elizabeth Oropesa sa radio program namin sa DZRH nung Lunes ng gabi at nabanggit niya na nasa gitna sila ng pre-production ng isang indie film na gagawin nila at ididirek ni Arlyn dela Cruz.
“I’m planning to produce a small movie about COVID na angkop sa nangyayari ngayon na konti lang ang taong involve,” pakli ni Elizabeth.
Hindi pa lang niya maibigay ang buong detalye, pero maganda raw ang kuwento na tumatalakay sa dalawang magkapatid na umuwi raw ang isang matandang dalaga sa kapatid niyang biyuda at ang ending na-lockdown sila nung mag-ECQ.
“Nagkasama sila sa isang bahay. After awhile na-realize nila, they don’t really know each other pala. Nakakatawa,” dagdag na kuwento ni La Oro.
May mga i-inject daw sila na mga komentaryo sa mga nangyayari sa atin ngayon.
Hindi lang niya masabi sa ngayon kung lahat ba ng nararamdaman niya sa takbo ng gobyerno ay maipahayag niya sa pelikulang ito.
Very vocal nga ang aktres sa kanyang nararamdaman na dapat daw ay mag-resign na si DOH Secretary Francisco Duque at si Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nalulungkot pa raw siya sa mga taong nasa posisyon na abusado.
“Number one si Duque, ayaw ko kay Duque. Ayaw ko kay Roque,” bulalas pa ng mahusay na aktres.
Ang hinihintay daw niya sana ay ang sasabihin ng ating Pangulong Rodrigo Duterte na patatalsikin na ang mga kinuha niyang taong humahatak lang sa kanya pababa.
“Gusto ko sanang sabihin sa kanya na bago mahuli ang lahat, tanggalin na ang dapat tanggalin kasi para kang nanghahatak ng hollow blocks. Pabigat nang pabigat ang hinahatak mo, nadadamay siya. Siya ang tinatamaan,” himutok ni Elizabeth Oropesa.
Super Tekla nahihirapan pang magpatawa
May mga programa nang kinukuhang guest si Super Tekla na parang tulong na rin, pero hindi pa raw niya kaya sa ngayon na magpatawa sa gitna ng pinagdaanan niya sa kanyang kapapanganak na si Baby Angelo.
Nung lumabas nga siya sa Wowowin ni Willie Revillame, sinabi sa kanyang welcome back Super Tekla, at baka babalik na siya sa programa ni Kuya Willie kasama si Donita Nose, pero wala pa naman daw sinasabi sa kanya kung kelan siya magsisimula.
Pero sa ngayon ay naka-focus muna siya sa kanyang anak na kailangang idaan sa operasyon na ipinanganak na walang puwet.
May gagawin nga dapat kahapon ang mga doktor para kay Baby Angelo, pero hindi natuloy dahil nagkalagnat daw ito. Kaya inoobserbahan pa.
Ang ipinagpasalamat lang ng komedyante, napakarami raw talagang tumulong para maka-raise siya ng pondo para sa pagpapa-hospital ng kanyang anak.
Bukod kina Sen. Bong Revilla, Sen. Bong Go, mga executive ng GMA 7 at si Kuya Willie, nagsama-sama ang Kapuso stars sa isang online fundraising concert para sa kanyang anak.
Kagabi nila ito ginawa sa social media account ng GMA 7 at sa YouLOL ng Kapuso network.
Ilan sa mga nag-perform ay sina AiAi delas Alas, Julie Anne San Jose, Christian Bautista, Kyline Alcantara, Ken Chan, Rita Daniela, Kristoffer Martin at marami pa. Sina Boobay at Glaiza de Castro ang nag-host na kaya paulit-ulit na nagpapasalamat si Super Tekla sa lahat na tulong sa kanya, lalo na ang mga nag-donate kagabi.