MANILA, Philippines — Hindi pinahintulutan ng Sagada local government unit (LGU) ang batikang direktor na si Joyce Bernal na makapag-shoot ng mga video materials na gagamitin sana para sa paparating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-27 ng Hulyo.
Ayon sa liham na inilabas ng Sagada Municipality, Lunes, ika-3 ng Hulyo nang mag-email ang sina direk Joyce para makapagpaalam, ngunit hindi pinayagan dahil na rin sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
"In these difficult times and and in lieu of the foregoing reasons, we regret to inform you that entry of the team [of direk Joyce Bernal] is being disallowed," sabi ni Sagada Vice Mayor Felicito Dula.
"We hope for your understanding. Together let us fight against this virus and together, let us heal as one."
Usap-usapan na kasama ni Bernal ang aktor na si Piolo Pascual at ilang police at military escorts nang paalisin ng lokal na pamahalaan sa Sagada.
BASAHIN: After 'PAPAPI,' Piolo Pascual trends for allegedly trying to shoot in Sagada for Duterte's SONA
Paliwanag ni Dula, mandato nila na itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang nasasakupan, alinsunod na rin sa Section 16 ng Local Government Code of 1991.
Sarado sa ngayon sa turismo at pagpasok ng mga hindi residente ng munisipalidad ang Sagada dahil na rin sa kanilang Sanguniang Bayan Resolution 110 Series of 2020.
"The strict implementation on the entry of all persons coming outside Mountain Province to Sagada has been effective in maintaining the municipality as a COVID-19-free community," sabi pa ni Dula.
Aniya, 5th Class Municipality lang ang kanilang lugar, kung kaya't hindi raw kakayanin ng kasalukuyan nilang health facilities kung makapasok ang nakamamatay na virus sa kanilang lugar.
Sa huling tala ng department, umabot na sa 46,333 ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas dahil 2,099 ang naidagdag sa talaan ngayong araw lang.
'Huwag husgahan'
Samantala, nakiusap naman si direk Erik Matti sa publiko na huwag sanang husgahan sina Piolo at Bb. Joyce sa kanilang ginawa.
"I don’t want to cancel out colleagues in the industry... Everyone is entitled to their own loyalties," wika niya sa isang Instagam post ngayong hapon.
"Rather than judge their allegiances, I would really love to know their thoughts about why they are on the other side of what I think is right."
Sang-ayon naman kay Matti ang aktor na si John Arcilla, na kilala sa kanyang pagganap bilang "Heneral Luna" sa pelikulang pareho ang pangalan.
Gayunpaman, sinabi naman ng Instagram user na si @xtine0476 na maaaring ginagawa raw ito para isalba ang nanganganib na Kapamilya Network: "[I]s it their way of Kissing butt to save ABS?"