Simula mamayang gabi ay mapapanood na si Richard Gutierrez sa teleseryeng Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Ayon kay Richard ay kailangang pakaabangan ng mga manonood ang kanyang bagong karakter na mayroong pagtingin kay Alyana na ginagampanan ni Yassi Pressman.
“Ang character ko dito ay si Angelito. Lumaki na maraming paghihirap na pinagdaanan. Ang taong nagpapasaya sa kanya at minamahal niya ay ‘yung character ni Alyana. Siguro ang dapat abangan ng viewers ay ‘yung unang paghaharap namin ni Coco.
“Makukuha ko ba ulit ni Alyana? ‘Yan ang mga tanong na dapat abangan ng viewers natin.
“Abangan po ninyo ang pagpasok ko sa Ang Probinsyano, ang pagpasok ng character ko na Angelito.
“Ito na po ang bagong yugto ng Ang Probinsyano,” pagdedetalye ni Richard.
Isang malaking karangalan umano para sa aktor na mapabilang sa nangungunang teleserye sa bansa.
“Ikinagagalak ko na naging bahagi ng Ang Probinsyano. Alam naman natin na Ang Probinsyano, sa generation namin ay isang haligi sa action at sa teleserye. Excited ako bilang aktor na maging bahagi ng ganitong klaseng show na ilang taon nang tumatakbo and yet number one pa rin,” giit niya.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatrabaho ni Richard si Coco kaya aminadong nakaramdam talaga ng kaba ang aktor.
Humanga rin si Richard sa dedikasyon ni Coco sa trabaho bilang isang aktor at direktor.
“Excited ako no’ng unang araw ko sa taping, siyempre may konting kaba. Ito ‘yung unang beses na nagkatrabaho kami ni Coco. Siyempre excited ako na makasama siya, makaharap siya sa mga eksena. Exciting ito para sa viewers namin, sa mga manonood natin, na maghaharap kami ni Coco dito.
“Bilib na bilib ako kay Coco dahil mahirap ‘yung ginagawa niyang trabaho bilang isang direktor at isang artista. Sobrang bilib ako sa energy, sa passion na ibinibigay niya sa project na ‘to,” pagbabahagi ng aktor.
Jake, pina-Practice ang pagiging grateful sa tuwing gigising
Natanggap na ni Jake Cuenca ang tinatawag ngayong ‘new normal’ pagdating sa pagtatrabaho. Matatandaang isa ang aktor sa mga nagbida kamakailan sa digital film na Love Lockdown na ginawa habang naka-quarantine.
“When it comes to the industry, it’s definitely new normal. ‘Yung paggawa ng Love Lockdown na pinadala sa amin ‘yung gamit tapos bahala na kami matuto kung paano namin gagawin ‘yung ilaw, ‘yung audio. It was very challenging but do’n mo makikita na ‘pag gusto mo, maraming paraan,” nakangiting pahayag ni Jake.
Hinahanap-hanap na ng aktor ang dating mga ginagawa sa telebisyon at pelikula. Maraming mga patakarang ipinatutupad ngayon sa paggawa ng mga proyekto dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
“Ang laking adjustment. There are times na just when you’re getting over something, may panibagong issue na naman. I think the big challenge and the big thing for everyone is to stay positive. Despite everything that’s going on, we have to count our blessings and be grateful for what we have and that’s what I practice everyday when I wake up,” paglalahad ng aktor. (Reports from JCC)