Kahit paano ay pinilit ng pamilya Revilla na i-practice ang social distancing sa araw ng libing ng kanilang amang si dating Sen. Ramon Revilla Sr.
Marami talaga sana ang gustong makipaglibing, pero limitado lang ang mga taong pinapasok sa loob ng Imus Cathedral. Isinara ang simbahan, at mga pamilya at ilang malalapit na kaibigan lang ang pinayagang pumasok.
Eksaktong alas-dos ng hapon ay sinimulan ang misa para kay Don Ramon at nagkaroon ng paggawad ng parangal sa kanya. Bandang alas-kuwatro ng hapon ay nagsimula na silang maglakad papuntang Eternal Gardens sa Bacoor para doon ilagak ang mga labi ng tinaguriang hari ng agimat.
Maraming mga taong naghintay sa mga kalsada at ang iba ay gusto pa sanang makipag-hand shake kay Sen. Bong, pero nagbungguan lang ng siko.
Halos alas-sais na ng gabi siya ipinasok sa kanyang nitso dahil sa tagal din ang last viewing ng mga anak.
Naintriga pa kami sa isang maliit na bagay na dinukot ni Mayor Andeng Ynares sa loob ng kabaong ng daddy nila.
Tinanong ko si Sen. Bong kung ano yung binigay sa kanila ni Mayor Andeng, sabi niya ‘agimat’ daw.
Walang nagawa si Sen. Bong kundi tanggapin na sa kanya nga inihabilin ng kanilang ama ang responsibilidad bilang patriarka ng pamilya. Nangako naman siyang hindi niya pababayaan ang lahat-lahat na mga kapatid niya.
Itutuloy pa rin daw nilang magkakapatid ang ginagawa nilang gathering tuwing Linggo sa rancho ng daddy nila. Iyun daw ang pangako nila sa kanilang ama na mas solid sila ngayon. “Yun kasi ang itinuro sa amin ng aming ama eh, ng aming Mommy, kailangan bigkis-bigkis kami,” pahayag ni Sen. Bong.
Ikinuwento pa niya kung ano raw ang ginawa ng kanilang ina, kaya talagang close silang magkakapatid. “Alam mo nung bata pa kami, ‘yung pusod namin ‘di ba may kaputol yun, pinagbigkis-bigkis niya lahat yun. Parang pamahiin yun eh. Kaya kung titingnan mo, ‘yung problema ng isa, magkakasama lahat,” saad ni Sen. Bong Revilla.
Alcohol mas mabenta na ngayon kesa pabango
Hindi rin nakaligtas ang negosyo ni Joel Cruz sa hirap ng buhay ngayon kaya baka magbawas na rin daw siya ng celebrity endorsers ng mga produktong pabango ng Afficionado Germany Perfume.
Mabuti na lang daw at nung nagbukas sila ng mga tindahan sa malls nung nag-GCQ, kahit paano ay maganda naman daw ang benta, pero hindi na nga raw ito kasing lakas nung bago mag-pandemic.
Nakatulong din daw na naglabas siya ng mga bagong line ng pabango, gumawa siya ng mga alcohol, hand sanitizer at liquid hand soap na isa sa essentials natin ngayon. Maganda raw ang benta ng mga produkto niyang ito, pero tuluy-tuloy din ang pagdu-donate niya ng mga alcohol at hand sanitizers para sa frontliners ng iba’t ibang lungsod.
“Nakatulong sa amin itong essential products kagaya ng alcohol, hand sanitizers, saka ‘yung liquid hand soap. Kasi bumebenta siya ngayon kesa sa pabango,” pakli niya nang nakapanayam namin sa radio program namin sa DZRH nung nakaraang Miyerkules.
Natuwa nga siya nang nag-suggest kami na kumuha na rin siya ng bagong endorser ng alcohol niya. Pero pagdating sa endorsements ng mga pabango niya, hindi pa raw niya masabi sa ngayon kung magtatanggal na ba siya o hindi o kaya ay mag-renew ng kontrata dahil sa mahina ngayon ang bentahan.
Pero aminado siyang may mga mangilan-ngilan din siyang endorsers na effective pa rin sa mga mamimili. “I have to admit, itong mga products nila, hindi gaanong nakabenta eh.
“Pero Erich Gonzales is very effective. Kahit si John Lloyd Cruz, okay pa rin naman.
“Bumebenta pa rin naman ‘yung kay Vice (Ganda), Hindi ko lang talaga ma-compare dun sa bago mag-pandemic. Pero kahit papano bumebenta pa rin talaga. “Lahat naman talaga ngayon apektado eh,” saad ni Joel.
Dapat naman daw talaga na mag-adjust na tayo sa bagong normal, lalo na kung may negosyo ka. Nanawagan din siyang sana ay gawing priority ng mga mamimili ang produktong sariling atin para mabigyan ng employment ang kapwa Pilipino.