“Kahit na noong panahong may umiiral ma martial law, at may censorship law pa noon na RA 3060, hindi pinakialaman ng gobyerno ang paggawa at produksiyon ng pelikula. May mga suggestions sa tema, pero hindi pinipilit, at hindi tinatakot ng malaking multa,” sabi ng isang beteranong filmmaker.
Marami sa mga nasa industriya ngayon ang hindi na umabot sa panahon ng martial law na inabutan. Noong ideklara ni Presidente Marcos ang martial law, nagkaroon ng isang suggestions na hindi dapat na palabasing bida pa ang mga kilalang kriminal, at naapektuhan nga noon ang pelikula ng yumaong Ramon Revilla, ang Nardong Putik. Pero hindi pinakialaman ng martial law administrators ang paggawa ng pelikula. Binigyan pa nga ng kaluwagan.
Ang mga artista at manggagawa sa pelikula ay binigyan ng curfew pass para kung gabihin man sila, ok lang. Maski ang mga kampo noon ng mga sundalo, at maging mga military equipment ay ipinahihiram pa sa mga gumagawa ng mga war pictures na uso pa noon.
Bukod doon, noong martial law, pinalawak pa ang film festival na dati ay sa Maynila lamang para masakop ang buong Metro Manila. Nagkaroon ng Manila International Film Festival, para mas maipakilala ang mga Pilipinong filmmaker sa international market. Binigyan ng incentives ang mga dayuhang nagso-shooting ng kanilang pelikula sa bansa, dahil nagkakaroon ng trabaho sa mga iyon ang mga artista at teknikong Pilipino. Nagkaroon pa ng ayuda ang gobyerno sa pamamagitan ng Experimental Cinema of the Philippines, na nagpapahiram ng puhunan, kundi man siyang nagpo-produce ng mga pelikula mismo na “experimental,” na parang indie ngayon.
Noon din binago ang batas, para ang mga pelikula ay ipailalim sa isang sistema ng classification at hindi na censorship. Ginawa ni Presidente Marcos ang PD 1986, na nagtadhana pang kalahati ng mga miyembro ng MTRCB ay dapat na manggaling sa industriya, dahil iyon ay simula na ng “self regulation” na hinihingi ng industriya. Eh ngayon, wala namang martial law, nagka-COVID lang, bakit hinihigpitan pati ang produksiyon ng pelikula, kasama pa ang concerts, TV shows at maski mga internet programs.
Mga artista ng ABS-CBN, magpo-produce na lang ng sariling show?!
Ano nga kaya ang mangyayari sa mga artista ng ABS-CBN na maaaring pakawalan na sa kanilang kontrata kung hindi pa makakabalik ang network sa full operation sa buwan ng Agosto. Hindi siguro problema iyan ng malalaking artista, dahil tiyak na may kukuha sa kanila. Mayroon din kaming narinig na sila na mismo ang magpo-produce, at magba-blocktime na lang sila sa ibang istasyon, pero papaano nga ang mga maliliit na artista?
May nagsasabi namang hindi siguro dapat umabot sa ganoong sitwasyon, dahil ang ABS-CBN ay mayroon pa namang Star Cinema. Maaari rin silang mag-produce ng content para maibenta sa ibang channels o kaya ay mag-blocktime na lang sila para sa mga programang iyon. Dahil kung basta pakakawalan lang nila ang mga artistang itinali nila sa kontrata, kawawa naman ang mga iyon.
Dapat ding isipin na kung ang pagsasara ng network ay sapat na dahilan para huwag na nilang panagutan ang mga guarantees na nasa kanilang kontrata. Baka kailangang bayaran din nila ang kabuuan ng kontrata bago i-terminate iyon.
Pero huwag muna nating isipin iyan. Isipin muna natin na sana nga mabigyan pa sila ng franchise, kung hindi man agad-agad, at least makakuha pa rin para makapagsimula nang panibago. Marami rin naman ang talagang mawawalan ng trabaho at negosyo.