Yeng at Asawa, natutunan ang minimalist lifestyle

Yeng at Yan

Nakaramdam ng takot si Yeng Cons-tantino mula nang ipatupad ang community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa dahil sa banta ng COVID-19 pandemic. Sa probinsiya naabutan ng lockdown ang singer at asawang si Yan Asuncion. “Wala namang hindi nakaranas sa atin ng pandemic eh. So parang sobra kaming na-paranoid ni Yan. Paano kaya kung apocalyptic na ang nangyayaring ito, ano ang gagawin natin para mag-survive? So sabi ko sa kanya, ‘Love, magtanim tayo,’ Saka hindi lang ‘yon ang ginawa namin. Nagtanim kami ng gulay, bumili rin kami ng mga pamingwit ng isda, pramis narating talaga namin ‘yon. Ngayong nagre-relax na ang lahat, natatawa kami ni Yan sa pagiging paranoid naming dalawa,” kwento ni Yeng.

Patuloy pa ring kinakaharap ng bansa ang krisis na dulot ng pandemya. Dahil sa mga pangyayari ay natutunan ni Yeng at ng asawa na magkaroon ng mas simpleng pamumuhay. “Kaya pala nating mabuhay ng simple. Kasi siyempre nasa Maynila ka in a way medyo magarbo ang lifestyle at may mga things ka na ginagastos na mapapa-question ka tuloy, ‘Kinailangan ko ba ‘yon? O ginusto ko lang ng time na ‘yon?’ Ngayong may pandemya, naisip mo na kaya naman pala ng simple lang, hindi ko pala kailangan no’n. So ngayon na gumaan-gaan po ang kalagayan natin at hopefully ay magtuloy-tuloy po. Dalang-dala na namin ‘yung ganoong aral, simple lang. Okay na ‘yon, ang tawag daw sa lifestyle na ‘yon ay minimalist lifestyle,” paglalahad ng singer.

Luke, binalikan ang dating trabaho

Malaki ang naging epekto sa buhay ni Luke Conde mula nang ipasara ang ABS-CBN dahil sa pagkapaso ng prangkisa ng Kapamilya Network. Nakadagdag pa ang epekto ng COVID-19 pandemic kaya halos walang kinikita ang Hashtags member ngayon. “Una po ‘yung work ko sa ABS-CBN po ang regular source of income ko. Tapos dahil naman po sa pandemic, nawalan din po ng work or gigs outside ABS-CBN. So ‘yung financial ko po talaga ‘yung malaking naapektuhan. Sana nga po matapos na ang lahat ng ito para makabalik na tayo sa dati,” pagtatapat ni Luke.

Bago pasukin ng binata ang show business ay isa na siyang Graphic Artist sa Batangas City. Ngayong ay nagbalik muna si Luke sa mga dati niyang ginagawa. “Ngayon po lahat ng possible na pwedeng maging source of income ginagawa ko po. Kailangan pong gumawa ng paraan eh. Lahat naman po ng artista gumagawa ng ibang paraan ngayon para mag-survive. I’m into graphic design now. Kaya do’n sa mga online shop na gustong magka-logo or magpaayos ng brandings nila, pwede po ako. DM lang po nila ako sa mga social media accounts ko po,” pagbabahagi ng aktor. (Reports from JCC)

Show comments