Ate Vi nagsalita… pagbubukas ng mga sinehan malabo pa!

Vilma Santos

Malungkot si Congresswoman Vilma Santos dahil sabi nga niya “habang dumarami ang cases ng COVID-19, lalong lumalabo ang kapalaran ng entertainment industry.”

Sa ngayon aminado naman sila na ang entertainment industry nga ang tinamaan nang husto sa ipinatupad na lockdown. Isinara ang lahat ng mga sinehan at hindi pa alam kung kailan ito mabubuksan. Isinara rin ang iba pang entertainment places kagaya ng concert venues at kahit comedy bars. Dahil sa restrictions sa shootings, marami ring producers na ayaw munang magsimula ng pelikula, bukod sa hindi pa nga nila alam kung saan ilalabas iyon.

Ang TV naman, puro replay pa dahil mababa rin ang advertising re­venue nila, dahil sino nga ba naman ang mag-a-advertise kung sarado naman ang mga kumpanya?

Mas maraming mga artista ang walang trabaho, at iyong iba kung may trabaho man, bargain naman ang kanilang talent fees.

 “Dumating tayo sa isang sitwasyon na hindi talaga natin kontrolado. Kami nga sunud-sunod eh, pumutok ang Taal Volcano at nasundan ng COVID-19. Pero itong COVID-19, iyan talaga ang pumatay sa buong entertainment industry. As it is, hindi kinakagat ang shows sa internet. Li­mitado ang kita nila sa advertising.

“Wala talaga tayong magagawa kundi hinta­ying humupa ang kaso ng COVID-19, at saka pa lang tayo makapagsisimulang muli sa showbiz.

“Ramdam ko iyong problema ng mga kapwa ko artista, at lalo na ang maliliit na manggagawa sa industriya. Lalo na ang mga no work, no pay. Talagang hirap na dahil tatlong buwan na silang no work, ibig sabihin, no pay. Eh may mga pamilya rin naman sila. “Siguro ang maaari na lang nating isipin ay kung paano mapapabilis ang pagbabalik-negosyo ng showbiz pagkatapos ng pandemic, dahil hanggang nariyan iyan, hindi tayo makapagbubukas ng mga sinehan at entertainment venues,” ang malungkot na pahayag ni Ate Vi.

James at Michela mas tumibay ang pagsasama?!

Nagkaroon ng celebration sina James Yap at ang kanyang partner na si Michela Cazzola para sa second birthday ng kanilang bunsong si Francesca.

Si MJ na panganay nilang anak ay apat na taon na pala. Napakabilis talaga ng panahon at ang nakakatuwa, buo at masaya ang kanilang pamilya.

Marami nga ang nagsasabi na ang relasyon nina James at Michela ay made in heaven talaga, kasi walang nababalitang nag-aaway sila sa buong panahon ng kanilang pagsasama. Nagmamahalan talaga sila kahit natsismis noon na naghiwalay na sila.

TV personality hindi raw binagayan ng face shield

Napakalupit ng comment na lumabas sa social media na nagsabing hindi raw bagay sa isang television personality ang suot niyang face shield. Mas babagay daw siguro roon kung ang gamit ay “tapa ojo”. Ang “tapa ojo” ang takip sa mata na ginagamit para sa mga kabayo.

Siguro nga nagbibiro, o gusto lang magpatawa ng nag-post pero kagaya nga ng sinasabi noon ng comedy king na si Dolphy, “bakit kaila­ngan mong saktan ang damdamin ng kapwa mo para ka lang makapagpatawa”.

May mga nagko-comment naman na sinasabing “karma lang iyan. Ginagawa rin niya iyan eh.”

 

 

 

Show comments