Maingat ang lahat at talagang ipinapatupad ang safety measures sa burol ni dating Sen. Ramon Revilla Sr. habang nasa kalagitnaan pa rin tayo ng pandemya.
Ang hinihingi sana ng pamilya ay para sa kanila muna ang unang dalawang araw ng burol pero hindi rin napigilan ang mga gustong pumunta at makiramay.
Pagpasok mo pa lang sa Revilla compound sa Aguinaldo Highway, Bacoor, tsini-check ang face mask na suot.
Kapag yari sa tela ang suot na mask, pinapalitan nila ito ng surgical mask.
May ilang miyembro ng pamilya gaya ni Vice Governor Jolo Revilla ang sumasalubong, pero talagang magkakalayo.
Bago ka makarating sa mansion ni Mang Ramon na kung saan nakalagak ang kanyang labi, dadaan ka muna sa Auto-Disinfectant Passage System.
Sa loob ay tatayo ka ng 15 seconds na kung saan kinukunan ka na ng temperature, may alcohol at may bumubugang disinfectant na wala namang amoy.
Sa isang sulok ng compound na malapit sa dating kuwarto ni Mang Ramon ay may malaking LED screen na kung saan doon ipinapalabas ang dating pelikula ng namayapang Agimat ng Masa.
May apat na mesa na mayroong apat na silya ang waiting room dahil hindi sabay-sabay na pinapapasok sa loob.
Sa isang corner ay may ilang mesa rin na kung saan doon nagsisilbi ng pagkain, at may isang corner din ng pakape.
Bago ka pumasok sa sala ng mansion, may depedal na alcohol para muli kang mag-alcohol. May dalawang staff na nagpapasuot ng plastic sa sapatos na tinatanggal din paglabas. Sa loob naman ng sala ay may 15 silya lamang na magkakalayo dahil kailangan talagang mag-social distancing.
Nakakapanibago, pero iyon na nga siguro ang tipo ng burol sa bagong normal. “We really have to comply sa guidelines ng IATF. Pero may further announcement po kami kung paano n’yo po makikita ang daddy ko,” bahagi ng pahayag ni Sen. Bong sa kanyang Facebook live.
Madalas siyang nagpi-Facebook live sa loob ng burol dahil marami pa sanang gustong pumunta at makiramay pero limitado lang talaga ang pinapapasok, at ang iba naman kagaya ng senior stars ay hindi pa puwedeng lumabas sa ngayon.
Ipinapakita rin ni Sen. Bong ang itsura ng daddy niyang nakahiga sa loob ng kabaong, dahil proud na proud siya sa kapogian ng ama niya. Nu’ng gabing hinatid na ang mga labi ni Mang Ramon, binubulungan ito ni Sen. Bong na ‘ang pogi pogi mo.’ “Yan ang laging biruan namin pag nagkikita kami. Sinasabi ko sa kanya, ‘mas pogi ka sa akin.
As of presstime, wala pa rin silang announcement kung sa July 2 o 3 ang libing dahil marami pa sa mga supporter ang gustong makapasok para makiramay.
Tinitingnan daw nila kung magiging Modified General Community Quarantine sa susunod na buwan, baka dadalhin daw nila ang kanilang ama sa Imus Cathedral pero kung nasa GCQ pa tayo, mukhang malabo pa dahil kailangan talaga nilang sundin ang ipinapatupad na guidelines ng IATF, at bukod pa riyan may curfew sa Cavite ng 8 ng gabi.
Tony at JC, patok ang hello stranger
Kinagiliwan ngayon ng netizens ang Pinoy BL series sa digital at online platforms. Naunang gumawa ang Viva ng Sakristan at ang cute na cute na kuwento ng Gameboys ng Idea First Company na pinagbidahan nina Kokoy de Santos at Elijah Canlas.
Marami nang nagsunuran, pero ang isa sa hit na hit ngayon at umani ng halos isang milyong views sa YouTube at Facebook ay itong BL series ng Black Sheep na Hello Stranger na pinagbidahan nina Tony Labrusca at JC Alcantara.
Kakaibang kuwento ito ng millennials na beki sa panahon ng pandemya, at medyo limitado ang approach dahil hindi nagkikita at talagang napa-practice ang social distancing. Kaya magandang acting at takbo ng kuwento ang labanan dito.