Kahanga-hanga ang ginawang pagtulong ni Marcelito Pomoy sa ilang kababayan nating nangangailangan. Pinagawan ng simpleng bahay ng singer si Lola Aurora na nakabase sa Quezon Province upang may maayos na matirahan ang matanda.
Mag-isa lamang na namumuhay si Lola Aurora kaya talagang naantig ang puso ni Marcelito nang mabasa ang Facebook post ng isang netizen tungkol sa pamumuhay ng matanda. Ayon kay Marcelito ay matinding hirap din ang kanyang naranasan noong kabataan kaya ninais niyang makatulong sa kapwa ngayong maluwag na ang kanyang buhay. “Kasi na-realize ko, noong bata ako wala rin akong saktong tirahan. Kumbaga isa rin akong palaboy. Kung saan-saan ako nakatira. Kaya kapag naalala ko ang nakaraan, hindi ko maipaliwanag. Kailangan kong tumulong sa tao para maiparamdam ko man lang kung ano ang narating ko ngayon ay maibalik ko sa kanila,” emosyonal na pahayag ni Marcelito.
Sa ngayon ay apat na bahay na ang naipagawa at naipamahagi ng singer sa mga lubos na nangangailangan. “Kailangan kong tumulong sa tao. ‘Yung bahay ni nanay (Lola Aurora) kasi ‘yan ang una, pero ngayon may ginawa kami, pangatlo na, may pang-apat pa na ginawa namin,” pagdedetalye niya.
Malaki ang pasasalamat ni Marcelito sa iba pang mga nagpaabot din ng tulong upang maisakatuparan ang pagpapagawa ng mga bahay na ipinamahagi ng singer.
Bayani, certified lolo na
Limampu’t isang taong gulang na si Bayani Agbayani at ngayon ay isang ganap na lolo na. Noong April 22 ay ipinanganak ni Thalia si Santiago Vito. Si Thalia ang panganay na anak ni Bayani at asawang si Aleja Rogacion.
Ang nakababatang kapatid ni Bea Alonzo na si James ang kasintahan ni Thalia. Apat na babae ang anak ni Bayani at Aleja kaya naman labis na kaligayahan ang naramdaman ng mag-asawa nang isilang si Santiago Vito. “Ang pinakanakakatuwa ay lalaki kaagad. Ang kapatid ko anim na babae. Ang asawa ko babae of course, puro babae ang nasa bahay namin. Ngayon lang ako nagkaroon ng kasamang lalaki,” pagbabahagi ni Bayani sa Magandang Buhay.
Sa ngayon ay sa Iba, Zambales na nakabase ang pamilya ng anak ng aktor. Malaki ang pasasalamat ni Bayani dahil naging maayos ang panganganak ni Thalia sa gitna ng banta ng covid-19 pandemic. “Lahat sila safe, nasa farm sila ni Bea. Ang ganda ng lugar nila. Nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos na iniayon ang buhay ni Thalia. Ang mapapangasawa niya ay mula sa napakabuting pamilya,” paglalahad ng komedyante. Reports from JCC