Nakatulugan ko na ang Facebook live ni Super Tekla nung Miyerkules ng gabi na inabot na ng Huwebes ng madaling araw.
Umiiyak ang komedyante na nasa kotse niya at nag-aabang lang sa labas ng hospital kung saan nasa emergency room ang partner niya na kapapanganak lang.
Isinugod nila sa hospital ang anak niyang halos isang linggo pa lang nailuwal dahil wala raw pala itong butas sa puwet na tinawag itong imperforate anus.
Ang problema lang, sanggol pa lang ito at nasa gitna pa tayo ng pagdami ng mga COVID cases kaya sobrang nag-iingat sila sa hospital.
Kailangan daw na i-swab test ang baby nila para malaman kung saang ward siya ilalagay.
Nu’ng oras na iyun ay nasa emergency muna ang baby dahil hindi pa nila alam kung saan siya dapat ilagay.
Ang problema lang, hindi ganun kadali na makuha ang resulta ng swab test kaya naghahanap pa raw sila ng mabilis na makuha ang resulta.
Umiiyak si Super Tekla na nag-FB live sa labas ng hospital dahil hindi siya pinayagang makapasok.
Ang partner niyang kapapanganak lang din ang nasa loob kasi kapag na-confine na ang kanilang anak, iyon na rin daw ang magbabantay sa loob at hindi na palalabasin ng hospital.
Kaya pinili ng komedyante na maghintay na lang sa labas para kung ano man, nandiyan siyang kikilos at gagawa ng paraan sa labas.
Para mapagaan na lang daw ang pakiramdam niya, nag-FB live ito at ibinahagi sa followers ang pinagdaanan nila.
Meron namang nagpaabot ng tulong mula sa mga malalapit na kaibigan, pero kailangan pa rin nina Super Tekla lalo na’t hindi pa sila nakakabalik ngayon sa regular shows nila sa GMA 7.
Ang latest na nabalitaan namin, sa July 12 na babalik ang All-Out Sundays, pero via Zoom lang daw muna, dahil hindi pa rin nga naman talaga safe ang lahat dahil sa pataas pa rin nang pataas ang mga kaso ng COVID-19.
Ex-Mayor Erap bubuhayin ang showbiz career
Nagkaroon kami ng pagkakataong mapanood ang pelikulang Coming Home na entry dapat ng dating Sen. Jinggoy Estrada at Sylvia Sanchez sa naudlot na Summer Metro Manila Film Festival.
Madrama ang pelikula na pampamilya at magagaling ang karamihang artistang involved lalo na si Sylvia.
Nagulat nga kami kay Julian Estrada na napakanatural umarte, kaya sinasabi namin kay Jinggoy na magpapayat pa ng kaunti si Julian at puwede na talaga niyang ipagpatuloy ang kanyang showbiz career.
Kahit si Jinggoy rin ay mas gusto niyang mag-focus muna sa showbiz. Hindi lang daw niya alam kung ano ang plano ng Metro Manila Film Festival sa kanilang pelikula na dinirek ni Adolf Alix.
Marami ang nagsasabing ang mga pelikulang pang-Summer MMFF ay ang isali na lang sa Metro Manila Film Festival sa December.
Pero wala pa raw sinasabi sa kanila, kaya naghihintay lang sila.
Nabanggit na rin sa amin si Jinggoy na meron silang binubuong sitcom, pero wala pa raw na-finalize kung saan ito mapapanood.
Ang nakakatuwa lang sa project na ito ay kasali pala ang daddy nilang si dating Mayor Joseph Estrada.
Type rin daw ng daddy nila na bumalik sa pag-arte pero mas kumportable raw siya sa pag-comedy.
Sana matuloy nga ito.