Aktor, dating Sen. Ramon Revilla Sr., pumanaw sa edad na 93

Litrato ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr. kasama ang amang si Ramon Revilla Sr. na ipinaskil noong ika-2 ng Hunyo, 2020
Mula sa Facebook ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr.

MANILA, Philippines (Update 1, 6:57 p.m.) — Binawian na ng buhay ang isa sa mga haligi ng Filipino action films na si Ramon Revilla Sr. ngayong Biyernes, ayon sa pahayag ng kanyang mga naulila.

Ang balita ay kinumpirma ng anak ng showbiz icon sa isang Facebook live na inere ngayong hapon.

"Wala na po ang tatay ko," sabi ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., habang naririnig ang malalakas na pagtangis sa kanilang paligid.

"Wala na po ang tatay ko. Please pray for him."

Ika-31 lang ng Mayo nang isugod sa St. Dominic Medical Center at kabitan ng "ventillator" ang padre de pamilya ng dambuhalang Revilla clan ng Cavite, na noo'y kritikal pa lamang ang kondisyon.

Basahin: Sen. Bong ‘di lumalapit Ramon Revilla Sr. critical!

Una na ring inilinaw naman ni Sen. Bong na hindi coronavirus disease (COVID-19) ang pinagdaanan ng kanyang ama, ngunit hirap huminga dahil sa pneumonia.

Ilang beses nang labas-masok ang Revilla patriach sa ospital, ngunit maya't maya ring umiigi ang kondisyon, at nakapagsasalita pa nga minsan sa Facebook live ng anak.

Ang aktor, na kilala rin sa bansag na "Hari ng Agimat" dahil sa kadalasang tema ng kanyang mga pelikula, ay kaka-93 lang noong ika-8 ng Marso.

Iniwang 'legacy'

Matagal nang panahon nang unang lumalabas noon sa pelikula si Revilla noong dekada '50, ngunit iniwan ang pinilakang tabing upang pamunuan ang "secret service unit" ng Bureau of Customs noong 1965.

Gayunpaman, nagbalik-pelikula siya taong 1972 para bumida sa palabas na "Nardong Putik: Kilabot ng Cavite," bagay na malaki ang nagawa sa kanyang pagsikat.

Nag-anak ng sari-saring memorable roles si Revilla sa tana ng kanyang karera, katulad ng kanyang pagganap nilang sina "Pepeng Agimat," "Nardong Putik," "Elias Paniki," "Joaquin Bordado" at marami pang iba, kung saan siya'y gumagamit ng mga agimat o anting-anting para puksain ang mga masasamang elemento.

Taong 1992, nanalo siya sa pagka-senador kung saan umupo siya nang dalawang termino hanggang 2004.

Sinundan naman nina Bong, apong si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla at iba pang mga kamag-anak ang pagpasok sa pulitika.

Malaking pamilya ni Revilla

Bukod kay Sen. Bong, maiiwan ng nakatatandaang Revilla ang 71 pang anak mula sa 16 iba't ibang nanay, ayon sa kanyang spokesperson na si Portia Ilagan noong 2011.

Nasa 38 sa kanila ang sinasabing opisyal na nagdadala ng kanyang apelido, ayon kay Ilagan.

Gayunpaman, inamin ni Revilla na mahigit 80 ang kanyang anak sa isang 2004 interview ng GMA sa kanya: "Something like that... Wala akong masabing eksakto eh... Ina-acknowledge ko lahat 'yon [80+ anak]," wika niya.

Show comments