Nagulat ako nang malaman ko na sa meeting pala ng Professional Artist Managers, Inc. o PAMI sa ABS-CBN ay napag-usapan ang price cut o discount sa talent fees ng mga artista. Kasi nga hindi ako nag-aattend ng meeting pag gabi, at bobo ako sa Zoom kaya wala ako doon.
Sabi ni June Rufino, pumayag daw ang lahat ng PAMI members sa hiniling na discount ng ABS-CBN.
Ok fine, pero ang naging problema ko ay hindi ako nasabihan ng mga EP nang kunin nila ang stars ko, kaya na-shock ako dahil inakala pala nila na nasabi na ‘yun ni June Rufino sa lahat.
Sa tindi ng sitwasyon ngayon na kapit-patalim siguro o talagang artistic juices na lang ang hinahabol ng mga artista na sana nga pumayag sila sa 50% to 20% cut na babawasin depende sa TF nila, at iyong sitwasyon sa taping o shooting na lock-in na no taping no pay, nandoon ka sa loob ng one month pero ang babayaran lang ay kung ilang araw ang trabaho mo.
At siyempre huwag kang maghanap ng magandang accommodation, hindi hotel kundi motel type ang titirhan n’yo, walang alalay, make-up artist at stylist.
At hindi ka rin puwedeng maging mapili sa pagkain, dahil kung ano ang nandoon sa set, iyon lang ang pagkain ninyo.
Alam ng lahat ang sitwasyon sa showbiz ngayon, siguro dito mati-test ang tolerance level ng mga artista, dahil hindi lang basic ang babalikan mo sa trabaho, balik din ngayon sa dating talent fee before nauso ‘yung sky rock high na asking price ng mga artista.
Now is the moment of truth, parang starting uli ang showbiz, panahon na regular pa ang payslip at wala ang mga nauso na personal make-up artist at stylist.
Welcome to the real world.
Mga hindi sikat, may tsansa na
Ngayon siguro na hindi na magkakaroon ng chance na mag-inarte ang mga artista, may chance na ‘yung mga hindi napapansin at nagagamit ang talent noon. At now, ‘yung mga contract stars na madaling kausapin ang magkakaroon ng chance to work dahil hindi naman ganoon kalaki ang talent fees at ‘di manage ng company. Now is the time for them to shine, show their worth at sana tanggapin na rin ng ating manonood.
Marami talaga sa kanila ang itatanong mo “Sino iyan? Ano ang pangalan niya?”
Puwede na ngayon silang ilunsad dahil parang kahit ano naman ang makita mo ngayon sa TV, ok na.
Parang new world, new things, lahat binago ni COVID-19, so bigyan ng chance ang mga bagong mukha. Ngayon sila ipakilala, baka kahit papaano ay matulungan sila ng pandemic.