^

PSN Showbiz

Kim Chiu sinamahan ang PISTON mamahagi ng ayuda sa jeepney drivers

James Relativo - Philstar.com
Kim Chiu sinamahan ang PISTON mamahagi ng ayuda sa jeepney drivers
Litrato ni Kim Chiu at ilang miyembro ng transport group na PISTON habang namamahagi ng relief goods sa mga jeepney drivers na nawalan ng kabuhayan simula ng lockdown
Released/PISTON

MANILA, Philippines — Namahagi ng relief goods ang Kapamilya actress na si Kim Chiu kasama ang mga militanteng tsuper ng jeepney na PISTON habang walang kabuhayan ang marami sa kalagitnaan ng lockdown measures laban sa coronavirus disease (COVID-19), Martes.

Lampas tatlong-buwan na kasing walang kita ang mga tsuper sa Metro Manila simula nang ipataw ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ), bagay na nagsuspindi ng mga biyahe.

May kaugnayan: Kim Chiu happy for 'Bawal Lumabas' topping charts with Lady Gaga

Matatandaang sinuspindi ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon sa lahat ng mga nasa ilalim ng ECQ para makaiwas sa pagpapasahan ng nakamamatay na COVID-19.

Ngayong ibinaba na sa GCQ ang karamihan ng lugar sa bansa — maliban sa Cebu City na ECQ pa rin — dahan-dahan nang ibinabalik ang mga public transportation sa limitadong antas. Pero bawal pa ring bumiyahe ang mga tradisyunal na jeepney.

May kaugnayan: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19

Dahil diyan, hirap pa rin mag-commute ang maraming mananakay sa ngayon at nauuwi na sa pamamalimos ang ilang driver ng jeep.

"Patuloy na pagpapahirap sa driver at taumbayan, iyan ang ginagawa ng DOTR-LTFRB, sa pagpupumilit sa jeepney phaseout," wika ng PISTON sa isang pahayag ngayong hapon.

"Sa kagustuhang ipatupad na ang PUV Modernization, patuloy na pinaglalakad ang mga manggagawa, empleyado, frontliners at iba pa nating kababayan. Pinapaasa sa paghihintay sa mga ipapabiyahe raw na mga modernong jeepney, samantalang iilang piraso lang at sa iilang ruta lang tatakbo ang mga nasabing sasakyan."

'Yan ang sinabi ng grupo matapos payagan ng Department of Transportation (DOTr) ang panunumbalik ng mga electric "modernized" jeepneys kahapon, na matagal nang itinutulak sa mga tsuper — bagay na hindi afford ng maraming maliliit na operator.

Dahil sa pagbabalik-kalsada ng "modernized" public utility vehicles, matatagpuan na ang 318 unit nito sa 15 ruta sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila.

Siyam na ruta pa ng modernized jeepneys ang bubuksan bukas, ika-24 ng Miyerkules, kung saan 20% hanggang 50% lang ng capacity ang papayagang sumakay.

Una nang sinabi ng European Centre for Disease Prevention and Control at Centers for Disease Control and Prevention na mas mainam kontra COVID-19 ang mga pampubliikong transportasyon na "bukas ang bintana" at may maayos na ventilation, upang makapasok ang sariwang hangin at maiwasan ang hawaan.

Pero marami sa mga modernized jeepneys ang hindi lang sarado, ngunit airconditioned pa.

Kamakailan lang nang ikulong ang anim na miyembro ng PISTON matapos magprotesta para makabalik-pasada. Dalawa sa kanila ang nagkaroon ng COVID-19. Hindi pa klaro kung nakuha nila ito sa presuhan.

Basahin: 2 sa inarestong 'Piston 6' nagpositibo sa COVID-19 — Caloocan congressman

"Lalong ginagatungan ng administrasyon ang galit ng mga driver at mamamayan! sa mga darating na araw, tiyak na puputok ang mga pagkilos ng mga driver at mamamayan para igiit ang panunumbalik ng mga jeepney sa kalsada," sabi pa ng mga aktibistang tsuper.

Kahapon lang nang sabihin ng DOTr na pinag-aaralan na nila ang pagbabalik ng mga tradisyunal na jeep at UV Express bago magtapos ang buwan.

"Guidelines for UV Express and traditional jeepneys operations are being finalized," wika ni Ben Suansing, senior transport consultant ng DOTr, sa panayam ng CNN Philippines.

"Target is before the end of the month, mag-uumpisa na sila magpasada."

Kahapon lang din nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na tinitignan na nila kung ibabalik ang mga "hari ng kalsada." Gayunpaman, mababa raw ang jeep sa kanilang "heirarchy" ng public transportation. — may mga ulat mula sa ONE News

GENERAL COMMUNITY QUARANTINE

JEEPNEY

KIM CHIU

NOVEL CORONAVIRUS

PISTON

RELIEF OPERATIONS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with