MANILA, Philippines — Panalo ng pitong parangal sa U.S. International Film & Video Festival ngayong taon ang mga dokumentaryo ng ABS-CBN tungkol sa mga kahanga-hangang Pilipino at mga isyu sa lipunan.
Pinarangalan ng Silver Screen award ang “Mga Kwento ng Klima,” “Genuine Love,” “Radical Love,” “Alab,” and “Local Legends: Glass Sculptor.” Habang binigyan din ng sertipiko ang “Local Legends: Glass Sculptor” at “Ang Babae ng Balangiga.”
Gawa ang lahat ng mga dokumentaryo nito ng ABS-CBN DocuCentral, isang grupo sa ilalim ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs.
Tungkol ang “Mga Kwento ng Klima,” isang produksyon kaisa ang Oscar M. Lopez Center, sa karanasan ng mga nakaligtas sa kalamidad tulad nung bagyong Ondoy at Yolanda, at kung ano ang ginagawa ng mga eksperto at komunidad para masolusyunan ang krisis sa klima.
Ibinahagi naman ng “Genuine Love” ang buhay ni Gina Lopez, ang dating pinuno ng ABS-CBN Foundation, na inalay niya sa paglilingkod sa publiko.
Sa “Radical Love” naman, ipinakita ang pinagdaanan ng aktres na si Cherry Pie Picache bago humantong sa desisyon na patawarin ang pumatay sa kanyang ina.
Samantala, nagbahagi naman ng aral sa mga sakripisyo at katapangan ng volunteer firefighters ang “Alab,” na ipinalabas noong Fire Prevention month sa bansa.
Ang proseso sa paglikha ng alagad ng sining na si Ramon Orlina ang tinalakay sa “Glass Sculptor,” habang ang kabayanihang ipinakita ni Casiana Nacionales sa isang sagupaan noong 1901 ang tampok sa “Ang Babae ng Balangiga.”
Mahigit 50 taon nang kinikilala ng U.S. International Film & Video Festival ang husay sa paglikha sa pelikula at video production.
Mapapanood pa ang mga premyadong dokumentaryong ito sa iWant. Sundan din ang DocuCentral sa Facebook, Twitter, at Instagram.
GMA-7 may pa-movie marathon
Isang masayang weekend ang ihahatid ng Kapuso Network sa televiewers sa exciting movie line-up ngayong Linggo (Hunyo 21).
Isang musical adventure ang naghihintay sa buong pamilya sa Pup Star na tampok sa Kapuso Movie Festival. Isang Yorkshire Terrier na kasali sa isang televised singing competition ay nahiwalay sa kanyang amo dahil sa isang dog pound worker. Handog ng nakaaaliw na pelikulang ito ang makabuluhang aral tungkol sa pagpapahalaga sa pamilya, pagkakaibigan, at pagtupad sa mga pangarap.
Back-to-back ang excitement na handog ng Kapuso Movie Festival sa action comedy film na True Lies. Nagbago ang buhay ng secret agent na si Harry Tasker (Arnold Schwarzenegger) nang madiskubre niyang may lihim na relasyon ang kanyang asawa sa isang salesman sa gitna ng banta ng terorista sa kanilang bansa.
Mapapanood naman sa GMA Blockbusters ang horror movie na Basement kung saan isang grupo ng mga tao ang hindi makalabas sa basement parking. Nang mawalan ng kuryente sa basement at mas lumalim pa ang gabi, napansin nilang may kasama silang hindi pangkaraniwan na nilalang. Ano ito at paano nila ito malalabanan?
Huwag palampasin ang mga pelikulang ito ngayong Linggo sa Kapuso Movie Festival pagkatapos ng iBilib at GMA Blockbusters pagkatapos ng Dear Uge.