Bday boy Vico Sotto 'di bet ang surprise party: 'Buhay pa si COVID'
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanyang mga nasasakupan hinggil sa anumang planong sorpresahin siya ngayong araw ng kanyang kaarawan, sa dahilang laganap pa ang novel coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inilabas niya ang paalala isang buwan matapos mabatikos si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Debold Sinas, na nagka-birthday "mañanita" at 'di naparusahan kahit bawal ang mass gatherings.
Basahin: 'Mahiya kayo': Pagdepensa ng PNP sa ECQ bday bash ng NCRPO chief kinastigo
"Pakiusap na wala munang celebration o surprise party. Hindi naman ako mahilig sa party at mas mahalaga pa rito, bawal pa ang mga gathering.. buhay na buhay pa si Covid mga kaibigan!" sabi ng batang alkalde.
"Papunta na po akong opis ngayon. May binabalak kayo itigil niyo na yan!"
Maraming salamat po sa lahat ng bumati at sa mga babati pa lang!
— Vico Sotto (@VicoSotto) June 17, 2020
Sa mga nagtatanong kung ano ang gusto kong regalo, bumili na lang po kayo ng grocery foodpack at ipamigay sa nangangailangan (pwede nyo i-drop off sa RED o sa mayor's office; kung ano ang mas convenient)
(1 of 2)
Pinaiiwas muna ng gobyerno ang publiko sa mga pagtitipon at pagsuway sa social distancing bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19. Ilan na ang inaresto kaugnay ng paglabag dito.
Ayon pa kay Sotto, mas magandang regalo na raw sa kanya ang pagdo-donate ng mga pangunahing pangangailangan sa mga kapos-palad ngayong panahon ng pandemya.
"Sa mga nagtatanong kung ano ang gusto kong regalo, bumili na lang po kayo ng grocery foodpack at ipamigay sa nangangailangan (pwede nyo i-drop off sa RED o sa mayor's office; kung ano ang mas convenient)," sabi niya.
Isang araw bago ang birthday ng mayor, nagpaskil ng baby picture ni Vico ang kanyang ina at aktres na si Coney Reyes. Anak ang alkalde nina Coney at ng komedyanteng si Vic Sotto.
Kasabay ng panawagan ng mayor, nasa 3,000 tsuper ng jeep sa Pasig ang nakatanggap ng food packs mula sa Traffic and Parking Management Office (TPMO) ng lungsod, ayon sa ulat ng ABS-CBN.
Wala pa rin kasing kita ang maraming jeepney driver sa Metro Manila matapos suspendihin ang kanilang mga operasyon kaugnay ng pagkalat ng virus.
Ayon kay Volta delos Santos, officer in charge ng Pasig TPMO, inaasahan nilang makakakalap pa sila nang mas maraming donasyon na ipamimigay naman sa mga UV Express drivers na nawalan din ng kabuhayan dahil sa quarantine.
"Meron kaming kinakausap na private companies para maging partner para po sila maging bahagi ng kanilang mga deliveries, parcels, etc." ayon kay Delos Santos, habang naghahanap pa rin daw ang lokal na pamahalaan ng alternatibong mapagkakaitaan ng mga tsuper.
- Latest