Totoong-totoo ang emosyonal na rebelasyon ng isang sikat at mayamang male personality na hindi natin madadala sa langit ang anumang meron tayo pagdating ng takdang panahon.
Ekta-ektarya man ang sukat ng ating propyedad ay ilang balde lang nu’n ang kakasya sa ating kabaong.
Sa pakikipagkuwentuhan ng sikat at mayamang male personality sa kanyang mga kaibigan ay sinabi niya, “Lahat ng meron ako ngayon, lahat ng pinaghirapan ko, para na ito sa mga maiiwan ko kapag kailangan ko nang magpahinga habambuhay.
“Pinagsikapan kong ipundar ito hindi na para sa akin kundi para sa kanila. Ayokong danasin nila ang pinagdaanan ko. Ayoko silang maghirap.
“Gusto ko silang iwan na meron silang pagsisimulan, nasa kanila na ang pag-iingat, ang mahalaga, naiplano ko na ang kinabukasan nila.
“Maigsi lang ang buhay, kailangang i-enjoy natin, walang nakakaalam kung magigising pa tayo uli kapag natulog tayo.
“Kaya ako, hindi ko dinidiyos ang pera, inaalipin ko, ginagamit ko para makapagpaligaya ako at makatulong sa mga nangangailangan,” sabi niya.
Komento ng isa niyang kaibigan, “Ang mga sasakyang mong milyun-milyon ang halaga, kanino mapupunta?”
Sabi ng sikat at mayamang lalaking personalidad, “Alam n’yo, kapag namatay tayo, isang karo lang naman ang maghahatid sa atin sa sementeryo, hindi maraming sasakyan. Isang karo lang talaga,” sabi niya.
Nakapangingilabot ang kanilang kuwentuhan, pero totoong-totoo, maraming natutulog na hindi na nagigising kinabukasan.
At kapag oras mo na talaga ay walang gamot na makapagliligtas sa iyo, mawawalan ng saysay ang kayamanan, kapag tinawag ka na.
Sabi nga ng makasaysayang pinuno na si Alexander The Great na pumanaw sa kabila ng kanyang kapangyarihan, “In the face of death, even the best doctors in the whole world can’t heal you.”
Positibo ang pamantayan sa buhay ng sikat at milyonaryong male personality, parang laruang pera lang ang pinalilipad niya mula sa kanyang bulsa, dahil wala naman siyang madadalang kayamanan kapag pumanaw siya.
Win na win!
Isabel Rivas pasabog ang rebelasyon kay Vivian Velez
Hindi man kami madalas magkita ay may espesyal na lugar sa aming puso si Isabel Rivas. Hindi kasi siya artista kapag kasama namin. Taong-tao siya, walang pagpapanggap, walang kahit anong pretensiyon.
At nakakaaliw siyang magkuwento tungkol sa kanyang personal na buhay na hindi kayang gawin ng kahit sinong artista dahil mahihiya sila.
Halimbawa, “Katatapos ko pa lang magpagawa ng mga labi ko, nagpapaani ako ng mangga sa farm ko, tinatakpan ko pa ang lips ko dahil magang-maga!
“Akalain mong may mga naghahabulan palang bubuyog? Sa lips ko pa dumapo ang isa, kinagat ako! Dyusko! Lalong namaga ang mga labi ko! Namarilong, napakasakit!” kuwento ni Isabel.
Sa nagaganap na diskurso ngayon sa pagitan nina Jaclyn Jose at Vivian Velez ay kamping-Jaclyn si Isabel.
Ngayon lang sumambulat ang kanyang emosyon, pero marami pala siyang hindi kagandahang karanasan nu’ng maging magkaibigan sila ni Ms. Body Beautiful, mga kuwentong hinding-hindi niya makakalimutan.
Ayon kay Isabel ay manggagamit si Vivian, mabait lang kapag may kailangan, pero kapag natupad na ang intensiyon ay hindi ka na kilala ng aktres.
Nakatikim din daw siya ng mga panlalait mula kay Vivian dahil nu’n pala ay sobrang naging malapit sila sa isa’t isa. Magkapatid daw ang kanilang karelasyon.
May kayabangan, praning, krung-krung at kung anu-ano pang salita ang paglalarawan ni Isabel kay Vivian. Matayog, hindi tumatanggap ng mga pagkakamali na para bang napakaperpektong tao nito, samantalang napakarami ring dapat ipanghingi ng tawad ng dating seksing aktres.
Kung kakasahan ni Vivian Velez ang mga pahayag ni Isabel Rivas ay hindi ito uurungan ng nagpapakatotoong babae.
Nagsisimula pa lang siya, ni hindi pa nga halos nababawasan ang baul ng kanyang alaala tungkol sa mga kakuwanan ni Vivian Velez, maraming-marami pa siyang rebelasyon.