Pambubuko ni Manay Lolit ng blind items, umpisa na naman

Paggising namin kahapon nang umaga ay punum-puno ng mensahe ang ­aming telepono. Iba-iba lang ang atake ng kanilang text message, pero iisa lang ang dahilan, ngayong tanghali na magbabalik ang Take It, Per
Minute... Me Ganu’n!

Sa pag-aalala at sobrang effort na lang ay maraming-maraming salamat na sa kanilang lahat na nag-abalang magparamdam ng kanilang pagkasabik sa aming digital show nina Manay Lolit at Mr. Fu.

Ngayong alas dose nang tanghali nga, pagkatapos nang halos tatlong buwan, ay heto na uli ang talk show na walang prenong nagbibigay ng mga opinyon tungkol sa mga artista at pulitiko.

Napakarami naming baon sa TIPMMG, sa halos tatlong buwan ba naman, wala kaming maiipon na kuwento nina Manay Lolit at Mr. Fu na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon.

Kaya magkita-kita po tayo mamayang tanghali, maghalakhakan na uli tayo dahil sa pambubuking ni Manay Lolit sa mga blind items, happy hormones lang tayo mamaya sa TIPMMG!

Batang nagbebenta ng medalya para may makain, iniyakan sa programa ni Jessica

Pambanlaw namin mula sa isang linggong pagtatrabaho ang makabuluhang programa ni Jessica Soho. Pakiramdam namin ay hindi kumpleto ang bawat linggo nang gabi ng ­aming buhay kapag hindi namin napapanood ang KMJS.

Nakikihalakhak kami sa kanyang programa, nakikiluha kami, hindi kami binibigo kahit kailan ng maga­ling na news anchor sa pagtutok sa kanyang pinaghihirapang palabas.

Nu’ng Linggo nang gabi ay sobrang na­ging emosyonal kami sa kuwento ng batang si Kenneth.

Matalino ang bata, may limampung medalya na ang inaani ng kanyang katalinuhan, pero dahil sa sobrang kahirapan ay naisipan niyang ibenta nang beinte pesos lang ang bawat medalyang pinagsunugan niya ng kilay sa pag-aaral.

Sobra kaming nalungkot dahil ang mga medalyang natatanggap ng matatalinong bata ay inilalagay pa nga sa eskaparate ng kanilang mga magulang.

Parang diploma ‘yun na ipinakukuwadro at idinidispley sa sala. Pero heto ang isang batang awang-awa na sa kanyang inang walang trabaho dahil sa lockdown. Walang-wala na silang mapagkukunan ng pambili ng pagkain.

Masakit man sa kanyang kalooban ay nagdesisyong mag-post si Kenneth sa social media, ibinibenta na niya nang tigbebente pesos lang ang mga pinaghirapan niyang medalya, may makain lang silang mag-iina.

Beinte pesos lang ba ang halaga ng katalinuhan? Pinagsikapan niyang makuha ang mga medalyang ‘yun, tapos ay ibebenta lang niya nang palugi, hindi ba naman napakasakit sa dibdib na tanggapin ang naging desisyon ni Kenneth?

Pero ang mas pinahalagahan ng bata ay ang hirap na hirap na niyang ina, ang nagugutom niyang kuya, ang mga sikmura nilang kumakalam dahil sa pagkagutom.

Ang sakit-sakit sa dibdib ng kanyang panawagan na beinte-beinte na lang niyang ibinibenta ang kanyang mga medalya para may maipambili sila ng pagkain. Kakalawangin lang daw naman ang mga medalya niya sa paglipas ng panahon kaya mas maganda kung ipagbibili niya na lang para magkalaman lang ang bituka nilang mag-iina.

Maraming salamat sa mga kababayan nating tumugon sa pangangailangan ng pamilya. May nagbigay ng bentilador, may nagdala ng mga pagkain, may nagbigay pa nga ng computer kay Kenneth para magamit niya sa pag-aaral.

Lady guard ang mommy ni Kenneth na mula nu’ng mag-lockdown ay wala ring trabaho. Sa simula ay kakayanin pa, pero kapag nagtagal ay napakahirap nang mairaos ang araw-araw na kabuhayan, ang kanyang mga medalya ang napagtuunan ng ideya ni Kenneth.

Hindi nila maipiprito, maisisigang at mailalaga ang medalya, hindi rin ‘yun puwedeng ipagi-
ling para maging bigas, pero ang pagbibilhan ng kanyang mga medalya ay maipambibili nila ng mga pagkain.

Totoo, wala ngang batas ang bitukang gutom, lahat ng maaaring maibenta ay gagawin natin para lang makatighaw sa ating kagutuman.

Makabuluhan ang istorya ni Kenneth dahil ang nakapaloob du’n ay sinserong pagmamahal at malasakit sa kanyang pamilya. Pati ang mga medalyang premyo sa kanyang katalinuhan ay kaya niyang isuko para sa kanyang ina at kapatid.

Hindi siya makasarili. Pangalan niya lang ang nakaukit sa mga medalya, ipinagmamalaki niya ang mga resulta ng kanyang pagsisikap, pero paano naman ang mga nagugutom niyang kapamilya?

Isang libro na naman ng nakalulungkot na katotohanan ng buhay ang binuklat ni Jessica Soho para itawid sa publiko.

At tulad ni Kenneth ay wala ring kadamut-damot sa katawan ang host ng KMJS, ibinibigay niya ang kredito ng programa sa kanyang mga staff, hindi niya sinosolo ang tagumpay ng kanyang inaabangang programa ng bayan tuwing Linggo nang gabi.

Mabuhay ka, Jessica Soho, i-KMJS na ‘yan!

Show comments