Ate Vi walang interes sa national artist award
Napakasamang bintang iyong sinasabi ng ilan na kaya raw umayon si Congressman Vilma Santos sa anti-terrorist bill ay “nagpapalakas para maging national artist din”. Eh ano ang kinalaman ng batas sa pagiging national artist? Siguro, ang gusto nilang palabasin, nagpapalakas sa presidente. Pero kung may utak sila, dapat alam nila na wala ring kinalaman ang presidente ng Pilipinas sa pamimili ng national artist.
Bagama’t isang executive order ng pangulo ng Pilipinas ang nagdedeklara ng isang national artist, maliwanag ang batas na hindi maaaring magdagdag ng sino man ang presidente sa listahan ng maaaring ideklara, maliban sa mga masusing napili na ng mga kinatawan ng CCP (Cultural Center of the Philippines) at NCCA (National Commission for Culture and the Arts). Ang presidente ay maaaring magbawas, pero hindi makapagdadagdag.
Nangyari ang ruling na iyan ng Korte Suprema nang magdeklara noon ng dagdag na pangalan si dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo, na tinutulan naman ng mga national artists.
Isa pa, maniwala kayo sa amin dahil ilang ulit na rin naming napag-usapan iyan, wala talaga sa ambisyon ni Ate Vi ang pagiging national artist. Una, siguro ay hindi naman niya kailangan ang mga pribilehiyo na nakakabit sa award na iyan. Ikalawa, sinasabi nga niyang tama na ang napakaraming award na natanggap niya bilang isang artist. Mas gusto niyang makilala naman dahil sa paglilingkod sa publiko. Eh natanggap na rin niya ang pinaka-mataas na award bilang civilian government official, ano pa ba ang hahabulin niya?
Isa pa, ang sinasabi nga ni Ate Vi, iyong katotohanan na kinikilala pa rin siya bilang isang aktres sa kabila ng katotohanang napakahabang panahon na nga siyang hindi nakagagawa ng pelikula dahil sa kanyang trabaho ngayon, aba eh mas matindi pa iyon kaysa sa alin mang award. Mas mahalaga naman talaga ang pagkilala ng mamamayang Pilipino, kaysa sa anumang tropeo.
Tito Sotto ayaw pakinggan ng mga artista sa anti-terror bill
Hindi tuwirang sinagot ni Senador Tito Sotto ang pamumuna sa kanya ni Angel Locsin dahil sa pag-like niya sa isang post na nagsasabing supporter ang actress ng NPA. Nilinaw ni Senador Sotto, na iyang anti-terrorist bill ay hindi na bago dahil 2018 pa iyan ginawa ng senado. Na-certify nga raw na urgent bill iyan dahil hindi matapus-tapos ng house ang kanilang version. Ngayon lang natapos ang version ng house.
Nilinaw din ni Senador Sotto na hindi naman iyan laban sa mga kritiko ng gobyerno. Maaari lang gamitin ang batas kung ang isang tao ay kasapi ng isang samahang terrorista.
Aywan kung makikinig sa kanya ang maraming stars na kontra sa kanilang ginawang bill. Aywan din kung huhupa na ang init ng damdamin ni Kobe Paras na nangako pang magpa-fund raising para piyansahan at tulungan ang mga istudyante ng UP sa Cebu na nahuli sa rally laban sa anti-terrorist bill.
Aktor na nasobrahan ng ambisyon, nagpapa-take out na lang ngayon sa labas ng coffee shop
Sarado pa ang coffee shop na madalas istambayan ng isang matinee idol na medyo nalalaos na ngayon sa isang high end mall. Nag-oorder lang daw siya ngayon ng take out, tapos doon niya iniinom ang kanyang kape at nagpapalipas ng oras sa isang open space na malapit sa coffee shop.
Ang kuwentuhan, kagaya nang dati, nagte-take out siya ng kape, habang naghihintay naman ng “magte-take out sa kanya”. Ganoon na ngayon ang tingin sa kanya ng mga tao roon, kasi marami namang mga ganyang pangyayari sa kanya noon pa man, at saka alam nila na walang-wala na siya ngayon at talagang nangangailangan ng pera. Eh maski na girlfriend niya wala na ring kita sa ngayon.
Sumobra kasi ang ambisyon eh.
- Latest