MANILA, Philippines — Ipinahayag ng global Pinoy artist na si Arnel Pineda ang katapangan at lakas ng loob ng mga bayani ng COVID-19 sa kanyang isinulat na kantang Your Soldiers, na inilunsad sa ilalim ng DNA Music.
Sa bagong pop rock track, may hatid ding inspirasyon ang singer-songwriter para magkaisa ang lahat sa gitna ng krisis at inihahandog niya ito sa medical front liners ng bansa.
Nagmula rin kay Arnel ang tunog ng Your Soldiers na may music arrangement mula kay Gabriel Tagadtad at ipinodyus naman ito ni Jonathan Manalo, creative director ng ABS-CBN Music.
Umani agad ng mga positibong feedback ang lyric video nito sa YouTube.
Si Arnel ay isa sa mga tampok na mang-aawit sa ilalim ng DNA Music, isang record label ng ABS-CBN na nagbibigay-pugay sa galing ng mga Pilipino sa rock at alternative music.
Simula 2007, ang tanyag na Filipino performer ay siya ring lead singer ng iconic American rock band na Journey. Nitong nakaraang buwan lamang ay inawit niya ang Don’t Stop Believin kasama ang naturang banda para sa Won’t Stop COVID-19 benefit show ng UNICEF.
GMA Regional TV, nakakuha ng Silver Play Button
Umaarangkada na rin ang regional arm ng Kapuso channel na GMA Regional TV (GMA RTV). Pati online, ramdam na rin ito. Kamakailan nga ay pumalo na sa 100,000 subscribers ang YouTube channel nito na GMA Regional TV at tatanggap na ito ng Silver Play Button award.
Malaking tulong ang YouTube channel na ito ng GMA RTV dahil napapanood muli ng netizens ang local shows na umere sa iba’t ibang regional channels ng GMA 7. At dahil online, hindi lang sa Pilipinas kundi kahit saang panig ng mundo ito maa-access. Bongga, GMA Regional TV!