'Make It With You' ng LizQuen hindi na babalik sa ere kahit wala pang wakas
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng manager ng Kapamilya star na si Liza Soberano na hindi na tatapusin pa ang storya ng "Make It With You," isang palabas na kinabibidahan ng kanyang alaga sa Channel 2.
Hindi kasi naisama ang serye sa listahan ng ABS-CBN shows na ipalalabas sa Kapamilya Channel, na mapapanood sa cable at satellite TV simula June 13.
"Ikinalulungkot ko pong ibalita sa inyo bilang manager ng isa sa bida (si Liza Soberano) na hindi na po ito mapapanood pa," sabi ng aktor na si Ogie Diaz, Biyernes, na umaasikaso rin sa aktres.
Matatandaang nahinto ang taping ng maraming Filipino TV shows matapos ideklara ang community quarantine laban sa coronavirus disease (COVID-19), dahilan para ulit-ulitin na lang ang mga lumang palabas sa telebisyon.
Ilulunsad naman ang Kapamilya Channel sa SKY Cable, Cablelink, G Sat at iba pang member-cable operators matapos ihinto ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Channel 2, na nagsisilbing primaryang himpilan ng kumpanyang ABS-CBN.
Ika-4 kasi ng Mayo nang mag-expire ang prangkisa ng Kapamilya Network, matapos bigong aksyunan ng Kamara ang mahigit isang dosenang franchise renewal bill ng channel.
Nagsimula pa lang ang "Make It With You" noong ika-13 ng Enero, dahilan para hindi man lang umabot nang apat na buwan ang programa.
"Alam na po ito ng lahat ng cast, lalo na ng LizQuen [Liza Soberano at Enrique Gil]," sabi pa ni Diaz. Sa kabila niyan, maantabayan naman daw ang pagbabalik ng tambalan sa mga darating na programa.
"Alam kong nabitin kayo sa love story nina 'Billie' at 'Gabo,' kaya hintayin na lamang po ang pagbabalik ng loveteam sa isa pang bagong teleserye."
Kamakailan lang nang gumawa nang ingay sa social media si Liza, matapos ikampanya hindi lang ang panunumbalik ng ABS-CBN kung hindi pati ang pagbabasura ng anti-terrorism bill, na makaaapekto raw sa demokrasya sa Pilipinas.
"Huwag ninyong agawin ang ang aming mga boses, ang aming batayang karapatang pantao!!!!" sabi ni Liza sa Inggles, Martes nang gabi, matapos i-tweet ang katagang #JUNKTERRORBILLNOW.
— Liza Soberano (@lizasoberano) June 2, 2020
- Latest