Mga tauhan ni Pacquiao sa MPBL, tatlong buwang hindi pinasusuweldo!

Manny Pacquiao

Walang kahit anong ayuda

Madalas makita si Senador Manny Pacquiao na nagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan mula sa iba’t ibang probinsiya. Dokumentado ‘yun. May mga nakatutok na camera.

Puring-puri ang Pambansang Kamao sa kanyang pagtulong, may mga nagsasabi pa nga na pasado na siyang kumandidatong presidente ng ating bayan, dahil napakaganda ng kanyang puso.

Pero may matinding problemang kailangang unahin si Pacman, ang kanyang mga empleyado at tauhan sa MPBL, ang liga ng basketball na pinamumunuan niya at ipinangalan pa nga sa kanya.

Sabi ng aming source, “Mahigit na tatlong buwan (mag-aapat na sa Lunes, June 15) nang delayed ang suweldo ng mga taga-MPBL, palaging ganu’n, delayed ang pagpapasuweldo sa kanila!

“Hindi naman niya pinulot lang sa kung saan-saan ang mga nagpapatakbo ng MPBL, mga skilled sila, may magandang trabaho nu’ng pagkukunin niya para magtrabaho sa kanya sa MPBL!” unang kuwento ng aming kausap.

Dumating ang lockdown. Maraming ipinagbabawal. Lahat ng liga ng basketball ay ipinatigil ng pamahalaan dahil sa social distancing.

Patuloy ng aming source, “Wala silang trabaho, kaya natural, walang pinagkakakitaan ang mga empleyado niya. Wala silang tinanggap na kahit anong ayuda mula kay Senator Pacquiao!

“Napakasakit sa kanila nu’ng napapanood nila sa TV si Pacman na namumudmod ng ayuda sa kung saan-saan, samantalang sila, hindi na alam ang gagawin dahil sayad na sayad na sila!

“Mahigit na tatlong buwan na silang hindi sumusuweldo, paano na ang mga pamilya nila? Tapos, makikita nila si Pacman na sige-sige sa pagbibigay ng tulong sa harap ng mga camera?

“Kahit anong ayuda, hindi niya binigyan ang mga empleyado niya, suweldo na nga nilang delayed na delayed na, hindi pa rin nila nakuha!

“Nakakaawa naman ang mga empleyado niya, hirap na hirap na sa buhay, unahin niya muna dapat ang mga taong pinakikinabangan niya bago ang pamimigay ng ayudang kinukunan ng mga camera!” madiing pahayag pa ng aming source.

Hindi maganda ang senaryong ito dahil mismong mga empleyado na ni Senador Manny Pacquiao ang umaangal sa kanyang pamamalakad.

Ang isang buwang suweldo kung hindi man maibigay sa kanila ay magagawan pa ng paraan, maipangungutang pa nila ‘yun, pero ang mahigit na tatlong buwang hindi sila sumusuweldo ay mahirap nang habulin.

Nang ideklara ang ECQ na ipinagbawal ang pagtatrabaho at pinanatili lang ang lahat sa kani-kanyang bahay ay hindi man lang kaya inalala ng Pambansang Kamao ang kanyang mga tauhan?

Mahigit na tatlong buwang suweldo ang pinag-uusapan, hindi isa o dalawa lang, kaya talagang magrerebelde na ang bituka ng mga nagugutom na pamilya ng kanyang mga empleyado.

Sabi uli ng aming source, “Walang masama sa pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan, maganda ‘yun, pero bago siya tumulong sa iba, e, unahin niya muna ang mga empleyado niyang mahigit na tatlong buwan nang hindi sumasahod!

“Magagaling ang mga kinuha niyang empleyado, may maaayos silang trabaho nu’n sa ibang network, hindi niya naman napulot lang sa kung saan-saan ang mga tauhan niya!

“Kailangan nang umaksiyon ni Pacman, ibigay niya ang nararapat para sa mga empleyado niya, pinagtrabahuhan na nila ‘yun, tapos na ang serbisyo nila sa suweldong hindi ibinibigay sa kanila!

“Pagkatapos, e, may mga magsasabi pang puwede na siyang kumandidatong presidente? E, kung ang mga empleyado nga lang niya, e, hindi niya mapagmalasakitan, ang buong bayan pa kaya?” umuusok sa init na komento pa ng aming source.

Gutom… mga empleyado kailangang ayusin agad-agad

Ang tanong, meron bang pinagkakatiwalaang grupo si Pacman para mamahala sa MPBL, alam kaya niya ang mga nagaganap sa kanyang sariling bakuran?

Hindi biro ang senaryong ito, kailangang maresolbahan agad ang matin-ding problema ng kanyang mga tauhan, bago pa humarap sa mga camera ang grupo para maglabas ng kanilang mga saloobin.

Napakasakit nga naman sa kaloobang tanggapin na palaging nasa telebisyon ang kanilang tagapamuno na namimigay ng biyaya sa ating mga kababayan habang sila naman ay nganga at hindi na alam kung ano ang gagawin para buhayin ang kanilang mga pamilya.

Kung walang alam si Senador Manny Pacquiao sa sigaw ng kanyang mga empleyado ay magpaimbestiga siya. Kailangang magkaalaman na kung nasaan ang mali sa pagpapalakad sa MPBL.

Galing din sa hirap ang Pambansang Kamao. Alam niya ang damdamin ng mga kapos. Kailangan niyang aksiyunan ang problemang ito nang agaran bago pa mahuli ang lahat.

Show comments