Medyo okay na ang boses ni Sen. Bong Revilla nang nakausap ko nung isang gabi dahil nag-i-improve raw ang kalagayan ng kanyang amang si dating Sen. Ramon Revilla Sr. na nasa ICU pa rin ng St. Luke’s Global.
“Bilib pa rin talaga ako sa agimat ng Daddy ko. Alam ko may bisa pa rin talaga ang agimat niya,” bulalas ni Sen. Bong.
“Ang agimat naman na sinasabi ko, ang pananalig niya sa Diyos eh,” dagdag niyang pahayag.
Aminado ang senador na sobrang worried sila nung isinugod nila sa hospital ang Daddy nila dahil iba raw talaga ang kalagayan niya, lalo na’t kailangan nang kabitan ng ventilator.
Pero nilinaw niyang hindi ito COVID-19 kahit nahirapan itong huminga at nagka-Pneumonia ito.
Pero mabuti at improving na raw ang lagay ng Daddy niya, at tinitingnan na raw ng mga doktor kung puwede nang tanggalin ang nakakabit na ventilator.
Nagpapasalamat din si Sen. Bong sa mga nag-alala at laging nangungumusta sa kalagayan ng kanilang ama.
“Nakakatuwa na marami rin ang nagsasabi sa amin na nagdarasal pa rin daw sila na gumaling na si Daddy,” sabi pa ni Sen. Bong.
Landian ng bagets millennials, pumatok sa You Tube
Ang ganda ng feedback sa episode 2 ng Pinoy Boy’s Love series na Gameboys na prinodyus ng Idea First.
Lalong dumami ang sumubaybay dito na ang isa sa ikinatuwa ng dalawang bidang sina Kokoy de Santos at Elijah Canlas, hindi lang mga bading at ilang kababaihan ang natuwa sa kanila kundi pati ilang straight.
Kaagad na kinagat ang bagong series na ito sa You Tube dahil talagang nakikita mong pinag-isipan ang kuwento na pinaghirapan nila para mabuo.
Sabi nga ni direk Perci Intalan na isa sa mga producer, hindi raw talaga madaling gawin ito lalo na’t hindi sila nagkikita kundi online lang talaga ang communication, pati ang pag-shoot ng mga eksena.
Pagkatapos ng second episode nito, nakitaan na ng chemistry ang dalawa at game na game silang maglandian lalo na si Kokoy na ‘bebe’ na ang tawag kay Elijah.
Sa kuwento ng Gameboys ay parang nagkakagustuhan na ang dalawang bagets na sabi nilang dalawa, ang dami na rin daw sa mga millennial na nai-involve sa ganung set-up.
“Marami na rin pong ganyan. Iba na rin po kasi ngayon especially with the technology. Madali lang makipag-communicate lalo na sa mga taong gusto mo, madali kang mag-reach out,” saad ni Kokoy.
“Mas open-minded na sila ngayon eh,” pakli naman ni Elijah.
Kung sakali, open din daw ang dalawang bida ng Gameboys sa ganung relasyon na hindi isyu sa kanila ang gender ng taong mamahalin nila.
“Ako po open naman ako. Game po ako sa ganun,” mabilis na sagot ni Elijah sa amin nang nakapanayam namin via Zoom sa DZRH nung nakaraang Miyerkules ng gabi.
“Love wins!” sagot agad sa amin ni Kokoy na ang lakas ng dating sa mga kabadingan.
Pero nilinaw nilang tunay silang lalaki, kagaya ni Kokoy na aminadong crush na crush si Ylona Garcia at pinapantasya si Selena Gomez.
Si Elijah naman ay type niyang makatrabaho si Therese. Pero crush niya si Bea Alonzo.
Nung Miyerkules lang nag-streaming ang second episode ng Gameboys na may pamagat na Game of Love.
Aktor kung sinu-sino na ang tinatawagan para makautang
Nakakalungkot na ang dami na talagang mga artistang hirap na ngayon dahil sa wala pa ring trabaho ang karamihan at wala pang kasiguraduhan kung magkaka-show na ba sila o hindi.
Ang dami nang naaawa rito sa kilalang male celebrity dahil bukod sa nag-aalala na siya sa nalalapit na panganganak ng non-showbiz girlfriend, kailangan na niyang magbayad para sa hinuhulugang kotse, at condo unit na tinutuluyan.
Bukod pala sa cash advances sa production na pinagtatrabahuan, umuutang na rin ito sa ilang co-actors na kaibigan niya.
Pero ngayon, hindi na lang sa mga co-actor niya kundi pati na rin sa ilang staff na halos wala pa ring sapat na suweldong nakukuha.
Kaya kapag nagti-text na ito sa ilang staff na nakatrabaho niya, hindi na siya sinasagot dahil alam na nilang uutangan lang sila.
Kung meron lang daw silang puwedeng maibigay pahihiramin na nila si male celebrity, pero umaasa na rin nga raw sila sa cash advances.
Nakakalungkot. Pero iyun na talaga ang bagong normal natin ngayon.