Ate Vi, umaasang magbubukas pa rin ang ABS-CBN

Vilma Santos-Recto

Isa si Vilma Santos-Recto sa Representatives na nagbigay ng kanyang pahayag sa pamamagitan ng Zoom sa naganap na hearing sa House of Representatives noong Lunes tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Para sa actress-politician ay marami talagang natutulungan ang Kapamilya network dahil sa pagbibigay ng entertainment at public service para sa ating mga kababayan. “ABS-CBN is already an institution when it comes to television, radio broadcasting, and other areas of communication most especially in the areas of public service. Mahabang panahon na po silang nagbibigay-serbisyo sa paghahatid ng balita, impormasyon at saya sa publiko,” pahayag ni Ate Vi.

Para sa Batangas District 6 Representative ay maraming mga Kapamilya ang labis na maaapektuhan kung sakaling hindi magkakaroon muli ng prangkisa ang ABS-CBN. “Sa ngayon po, marami sa aking mga kasamahan sa industriya ang nawalan na ng trabaho at ang iba naman po ay nakaambang mawalan na rin po ng trabaho. Para po sa kaalaman ng lahat, sa bawat talent po ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho, marami pong mga kasamahan nila sa trabaho ang maaapektuhan. Kasama na rito ang kanilang palaging kasamahan sa trabaho na tinatawag na personal assistant, personal make-up artist, personal stylist, personal designer. Kasama na rin po ang kanilang mga personal driver at personal helper na ang artista po na personal na nagpapasweldo sa kanila,” pagdedetalye niya.

Umaasa si Ate Vi na magiging positibo ang resulta ng mga susunod pang mga pagdinig kaugnay sa franchise renewal ng ABS-CBN. “Ako po ay naniniwala na malaki ang magagawa o maitutulong ng Kongresong ito para huwag na pong madagdagan pa ang mawawalan ng trabaho. Dahil sa pandemyang ito, marami na pong negosyo ang naapektuhan, nagsara. Sana naman po mabigyan ng pagkakataon ang ABS-CBN na mabalik na sa kanilang operasyon sa mas madaling panahon. Ako po ay naniniwala na ito na ang tamang pagkakataon para tuwirang sagutin ng ABS-CBN ang lahat ng alegasyon na may kaugnay sa kanilang prangkisa at patunayan nila na karapat-dapat silang mabigyan ng bagong prangkisa ng Kongresong ito. Ako po umaasa na magkakaroon tayo ng positibo, malaya at makatwirang pagdinig,” pagtatapos ng actress-politician.

Kim at Jerald may sikreto kaya nagtagal ang relasyon

Mas tumibay umano ang relasyon nina Kim Molina at Jerald Napoles mula nang ipatupad ang community quarantine sa buong Luzon. Mas nakilala ng magkasintahan ang isa’t isa ngayong mga panahon na magkasama lamang sila at hindi nakakapagtrabaho. “Titibay talaga, nakapag-adjust na ako sa lahat ng mga bagay,” bungad ni Kim.

Ang pag-unawa sa minamahal ang isa sa mga sikreto ng magkasintahan kaya raw na­ging matibay at maayos ang kanilang relasyon. “Kailangan dapat ‘yan. Nagkasundo na tayo, ‘yung simula dapat ‘yon na rin hanggang dulo. Kapag nagkakainisan, isipin n’yo bakit gano’n ang reaksyon niya. ‘Yan ang pundasyon ng matibay na samahan, understanding,” pagbabahagi naman ni Jerald.

“Sa ganitong sitwasyon talaga, understanding is the key para magkaayos agad at maabot ang ating relationship goals,” dagdag pa ni Kim. (Reports from JCC)

Show comments