MANILA, Philippines — Binasag ni Solicitor General Jose Calida ang kanyang katahimikan hinggil sa mga pagbira ni Kapamilya actor Coco Martin tungkol sa napasong prangkisa ng ABS-CBN.
Dumalo si Calida sa pagdinig matapos lumiban sa mga nakaraang inquiry ng Senado't Kamara kaugnay ng pagpapalawig sa legislative franchise ng kumpanya, maliban sa mga diumano'y paglabag nito sa batas.
"Kung hindi lang ako [solicitor general]... ipinakain ko na sa kanya ang mga sinabi niya eh," sabi ni Calida sa Inggles sa pagdinig ng Kamara, Lunes.
Ilang personalidad na kasi ng showbiz ang nagsalita kaugnay ng pagkakatanggal ng Dos sa ere, na nagmula sa kawalan ng aksyon sa mahigit isang dosenang franchise renewal bills sa nabinbin sa Konggreso.
Matatandaang binalaan ni Calida ang National Telecommunications Commission (NTC) na makakasuhan sila ng "graft" oras na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN.
Matapos noon, naglabas ng "cease and desist" order ang NTC laban sa ABS-CBN noong ika-5 na humantong sa pagkakatigil ng kanilang operasyon.
Dahil diyan, nagparinig si Coco na wari'y kamay si Calida sa ginawa ng NTC.
"Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!" sabi ni Coco sa kanyang Instagram post
"TINARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!"
Sagot ni Calida, nagsasalita ang mga naturang artista laban sa gobyerno dahil "desperado" na. Una nang sinabi ni ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak na nanganganib ang trabaho ng 11,000 nagtratrabaho para sa kanila kung di mapapanumbalik ang ABS-CBN.
"Ginagamit ng mga star at celebrity ang kani-kanilang social media para birahin ang diumano'y pang-aapi ng gobyerno," patuloy ni Calida.
"Desperado na sila kaya ginagamit nila ang kanilang impluwensya at fans para palabuin ang isyu nang lumakas ang suporta ng network."
Ilan sa mga inirereklamo ni Calida ang aniya'y paglabag ng ABS-CBN sa kanilang naunang prangkisa, gaya ng pagpapatakbo raw ng KBO kahit walang pahintulot diumano ng NTC.
Maliban diyan, may isyu raw ng banyagang pagmamay-ari ang istasyon, bagay na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Constitution.
"Ilang dekada na niloloko ng ABS-CBN ang sambayanang Pilipino," dagdag ni Calida.
Hindi naman napigilan ni Katigbak ang sinabi ni Calida, at sinabing totoo at hindi peke ang kanilang paglilingkod.
"May nagsabi po kanina that ABS-CBN deceived many when we said we are in the service of the Filipino. Naniniwala akong maraming makapagsasabi... na totoo ang serbisyo namin sa kanila," sabi ng company president. — James Relativo at may mga ulat mula kay Jan Milo Severo at News5