‘Di puwedeng malaos, naabot ng career ni Nora walang makakapantay!

Nora

Nagdiwang ng kanyang ikaanimnapu’t pitong taong kaarawan nu’ng nakaraang Huwebes ang Superstar. Simple lang ang selebrasyon.

Nu’ng kasagsagan ng kasikatan ni Nora Aunor ay parang pambansang pagdiriwang ang nagaganap tuwing dumarating ang Mayo 21.

Malayo pa ay pinaghahandaan na ng kanyang mga loyalista ang gagawing sorpresa, kaliwa’t kanan ang selebrasyon niya sa mga programa sa telebisyon, partikular na sa kanyang programa tuwing Linggo ng gabi na Superstar.

Lahatin na natin ang mga nagreyna sa lokal na aliwan, pero walang makapapantay sa popularidad na naabot ni Nora Aunor, ang artistang nangwasak sa kalakaran na matatangkad at mestisa lang ang nagtatagumpay sa larangang pinasok niya.

Kung ilarawan siya ng mas nakararami ay pinakamaningning na bituin sa langit. Ang nag-iisang Superstar.

Pero si Nora Aunor ay barometro rin ng katotohanan na ang lahat ng bagay at pangyayari sa mundo ay temporaryo lang. Walang panghabambuhay.

Isang paalala ang naging estado bilang artista ni Nora Aunor na pana-panahon lang talaga ang pagkatok ng magandang kapalaran sa bawat tao.

Naabot niya ang pinakamataas na antas ng tagumpay bilang artista at singer, wala talagang nakaabot sa narating niya, pero hindi pa rin garantiya ‘yun nang panghabampanahong popularidad.

Pagkatapos ng mga dekadang hinawakan niya ang trono ay nandito pa rin ang Superstar, patuloy pa ring aktibo sa kanyang propesyon, may mga pagkakaiba na nga lang ang sitwasyon.

Nu’ng kanyang kapanahunan ay nagsasarado ang mga sinehan dahil hindi na makayanan ng teatro ang dami ng mga kababayan nating sumusuporta sa kanya.

Malaki ang posibilidad na bumagsak ang gusali kapag pinapasok ang kanyang mga tagahanga, masyadong maliit ang espasyo sa sobrang laki ng bilang ng mga loyalista niya, ganu’n ang senaryo nu’ng mga panahong ‘yun.

Pero dahil wala ngang garantiya ang anumang kaganapan sa mundo ay unti-unting nabawasan ang kislap ng bituin ni Nora Aunor.

Nagsasarado pa rin naman ang mga sinehan ngayon kapag ipinalalabas ang mga makabuluhan nyang pelikula, pero hindi na dahil sa hindi makayanan ng mga sinehan ang laksa-laksang manonood, kundi dahil sa numipis na ang higanteng bilang ng makapal niyang mga tagasubaybay.

At positibo ang pagtanggap ni Nora Aunor sa kanyang kasalukuyang sitwasyon, hindi siya nabubuhay sa ilusyon, alam niya na nagaganap sa buhay ng mga personalidad ang pagsikat at pagmalagihay ng kanilang popularidad.

At hindi kami papayag na tawaging laos na ang Superstar. Walang artistang nalalaos. Namamahinga lang. At kung ipipilit pa rin ng iba na laos na si Nora Aunor ay may pambangga pa rin du’n ang kanyang mga tagahanga.

“At least, nalaos man si Nora Aunor, e, naabot niya ang pinakamataas na antas ng kasikatan, hindi tulad ng iba d’yan na hindi pa nga sumisikat, e, nalalaos na agad!” buong-ningning na komentaryo ng kaibigan naming propesor.

Napakatotoo.

Mga sumikat na singer, kinapos sa reality check

Sa kinagigiliwan naming panonood ngayon ng mga dokumentaryo ng mga sumikat na personalidad sa Hollywood ay marami kaming nalaman. Lalo na sa hanay ng mga sumikat na singers, punumpuno ng kuwento ang kanilang buhay, hanggang sa kanilang pamamaalam.

Matinding tagumpay ang naabot ni Whitney Houston, ilang taon niyang hawak ang korona bilang numero unong singer sa kanilang record chart, pero bakit siya natagpuang wala nang buhay sa bathtub sa kanyang hotel room?

Sa pag-aanalisa ng mga taong nakasama ni Whitney sa kanyang paglalakbay sa tagumpay ay nagkaroon siya ng mga kaibigang nagtulak sa kanya sa masamang bisyo ng droga.

Sabi ni James Taylor na labingwalong taon ding nalulong sa bisyo pero nakabalikwas nang magkaroon na ng kambal na anak, “Surround yourself with good people.”

Dagdag pa ng sikat na singer, “When you’re down, even your friends will forget you. It’s for you to realize that there’s a better world than drugs.”

Pero ang pinakamatinding nagmarka sa amin ay ang naging pahayag ng isang record producer na napakarami nang napasikat na singers.

Ang kanyang sabi, masyado raw madaya ang tagumpay dahil may malakas na hangin na humihila pataas sa personalidad kaya nawawala ang mga paa sa lupa, parang pagkalunod sa isang basong tubig sa ating interpretasyon.

Reality check ang malaking tulong, sabi nito, kailangang may mga tao sa paligid ng personalidad na tagapagpaalala kapag lumalabis na siya sa nararapat lang.

At gamitin daw ang utak, “Fly like an eagle, soar high, higher than the clouds.”

Show comments