MANILA, Philippines — Napansin ng mga kababayan natin na nagpreno na si Coco Martin sa pagtuligsa sa mga tinutukoy niyang nagpasarado ng ABS-CBN.
Maraming haka-haka ang lumulutang ngayon. Maaaring may mga nagpayo sa action star na maghinay-hinay sa pagsasalita dahil nababaon siya sa pagiging nega sa pananaw ng mas nakararami.
May mga nagpaalala siguro kay Coco na huwag siyang nagpapatalo sa sobrang galit na nananahan sa kanyang puso dahil nalalantad ang pagiging pikon niya at kawalan ng respeto sa mga taong tinutukoy niya.
At siguradong may nakapagsabi rin sa kanya na magdahan-dahan sa pagbibitiw ng mga salitang matulis dahil lutang na lutang na kaya siya nagkakaganu’n ay ang personal niyang interes ang kanyang inaalala.
Maganda ang layunin ni Coco sa paglalabas ng kanyang mga saloobin, pero sabi nga, hindi natin maaasahang maniwala at sumang-ayon sa kanya ang lahat ng tao sa lahat ng panahon.
Puwedeng maunawaan siya ng iba, puwedeng makasama niya sa laban ang marami, pero hindi pa rin lahat.
Hinanapan ng butas ang kanyang mga sigaw, kinontra ng mas nakararami ang pagsasangkalan niya sa mga empleyado ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho, hindi niya napaniwala ang lahat na kapakanan ng ibang tao ang kanyang ipinaglalaban.
Sa mga nagaganap ngayong pagdinig sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, probi-syunal man o pangdalawampu’t limang taon na, ay parang pinutulan ng dila ang mga nagtatrabaho sa istasyon.
Napakatagal na salaysayin pa kasi ang pagdadaanan nu’n, mahabang-mahabang panahon pa, kaya puro dasal lang muna ang dapat nilang gawin para sa mas maagang pagbabalik sa himpapawid ng network.
Atty. Topacio, namimigay ng ‘open arms’
Naaliw kami kay Attorney Ferdie Topacio sa kanyang text message nu’ng isang araw. May magdedeliber daw sa amin ni Manay Lolit Solis ng rellenong manok at open arms.
Nagtaka kami, ano kaya ‘yung ipadadala niyang open arms, kaya inurirat namin siya kung ano ‘yun. Ang kanyang sagot, “’Nay, ‘yung open arms po, e, LAING. Laing beside you, here in the dark.”
Ikalawang sultada na ‘yun ng masarap na pag-alala ni Attorney Topacio, dalawang ibon sa isang bala ang kanyang ginagawa, dahil bukod sa amin ni Manay Lolit ay natutulungan pa niya ang mga caterer niyang kaibigan na walang kinikita ngayong lockdown.
Umoorder siya ng pagkaing ipinadadala niya sa kanyang mga kaibigan, kapwa abogado at mga kamag-anak, matulungan niya lang ang mga negosyanteng bagsak ang kabuhayan ngayong ECQ.
Maraming salamat.
Sen. Bong mabilis sumagot
Pero ibang klase si Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan. Pakiramdam nga namin, sa bawat wave ng ayuda niya sa kanyang mga nasasakupan ay kasali kami sa bilang, dahil hindi siya nakalilimot.
Kunsabagay, hindi pa man siya mayor ng Pandi ay kabisado na namin ang kanyang kalooban, nakilatis na namin ang kanyang pagkatao.
Hindi mo susukatin si Mayor Enrico sa kung ano ang meron siya kundi sa kung ano ang naibabahagi niya sa kanyang kapwa.
Nakakalaki rin ng puso ang madalas na sagot ni Senador Bong Revilla sa mensaheng ipinadadala namin tuwing umaga sa mga taong malapit sa aming puso.
Ang palagi niyang linya, may mga kasamahan daw ba kami sa panulat na kailangan niyang padalhan ng tulong, isang text lang daw ang layo namin sa isa’t isa.