MANILA, Philippines — Inalerto ng dating Kapamilya actress ang National Bureau of Investigation (NBI), Miyerkules, hinggil sa natanggap na banta sa kanyang buhay, sampu ng iba pang mga artista, matapos ipanawagan ang panunumbalik ng ABS-CBN sa himpapawid.
"Hello, NBI? Beke nemen po," sabi ni Angel sa kanyang Instagram post, na may kalakip na tweet ng isang NJ Abellanosa.
Sa paskil kasi ng lalaki, na burado na ang account sa Twitter, makikitang tinatawagan niya ang mga aniya'y taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng karibal na network para itumba si Angel kapalit ng milyun-milyong halaga ng pera.
"I will give you 200-million sa sinumang mga Duterte at GMA supporters ang makapatay kina Kim Chiu, Coco Martin at Angel Locsin," sabi ng burado nang tweet.
"Makaksama nyo ang [New People's Army] para pasabugin ang ABS-CBN Compound."
Bagama't sinabi na ang makakasama aniya ang NPA sa pagpapasabog ng kumpanya, hindi ganito ang dating sa mga kalapit sa industriya ni Angel.
Para kay Neil Arce, boyfriend ng aktres, tila inuugnay ng lalaki si Angel sa mga rebelde: "NPA ka pala," pabiro niyang sabi.
Kilalang aktibista at miyembro ng Gabriela si Angel, na matagal nang nire-red tag kaugnay ng mga komunista.
Biro tuloy ng aktres, hindi nila alam kung baka maaaring maambunan siya ng tulong ngayong lockdown, lalo na't may milyones pala siya para magpapatay: "Baka pwedeng makahingi naman ng pang ayuda kuya."
Sabi naman ni celebrity photographer Xander Angeles sa kanyang post: "San kaya galing yung 200M nya? Yayamanin."
Ilang linggo na ang nakalilipas nang mag-trending sina Angel, Coco at Kim matapos nilang ihayag ang pagtutol sa desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na isarado ang Kapamilya Network, matapos mapaso ang kanilang prangkisa sa hindi pag-aksyon ng Kamara sa franchise bills.
Una nang sinabi ni Coco na "tinarantado" ng NTC at ni Solicitor General Jose Calida ang ABS-CBN, lalo na't nanganganib daw ang trabaho ng libu-libong manggagawa ng istasyon dahil sa kanilang ginawa.
Samantala, sumikat naman ang video ni Kim kaugnay ng pagtatanggol sa kumpanya, bagay na kanya pang ginawang kanta.
Una nang sinabi ni Duterte na haharangan niya ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN kung maaari, lalo na't hindi naiere ng kumpanya noon ang kanyang political ads para sa 2016 presidential election.