Nagsauli si Arnell Ignacio ng cash assistance na ibinigay sa kanya ng DOLE o Department of Labor and Employment.
Nagpaliwanag si Arnelli sa radio program namin sa DZRH nu’ng nakaraang Martes ng gabi na nag-submit pala ang kumpanya niya sa CAMP o COVID 19 Adjustment Measures Program.
Inayos daw iyun ng mga tauhan niya at isinama na rin ang pangalan niya, dahil pansamantalang nagsara ang kumpanya dahil sa COVID-19. Kumpleto raw ang mga requirement at naghintay sila, at dumating nga ang cash assistance sa mga tauhan niya pati sa kanya na nagkakahalaga ng limang libong piso.
Isinauli ni Arnelli ang ayudang para sa kanya, dahil nagtatrabaho siya dati sa gobyerno, sa PAGCOR at sa OWWA, mahirap na raw na mahanapan siya ng butas na pati ba naman siya ay tumatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. “Kasi ang mga ganung bagay, ayaw mo nang…baka mamaya mapag-usapan ka pa eh. Kaya ang pag-iingat mo talaga hindi lang times 10, kundi times 100 talaga kasi ang dami mong sasagutin eh,” pakli ng TV host at dating executive ng OWWA.
Iniisip niyang napakaingay pa naman daw niya sa Facebook, tapos baka buweltahan siya nitong pagtanggap niya ng ayuda. “Kapag ganito ang posisyon mo, lalo na kapag pro-government ka, ano eh…yung pag-iingat mo talagang i-multiply mo ng 100 o one thousand kasi sisilipin ka eh,” dagdag niyang pahayag.
Ang pagkakaalam namin ibabalik na sana si Arnell sa OWWA, hindi lang namin alam na posisyon, pero hindi lang naayos ang mga papeles niya gawa nitong pandemyang pumasok sa atin.
At bilang nasa OWWA naman siya noon, hiningan namin siya ng reaksyon dito sa hinarap ng OWWA Deputy Administrator Mocha Uson. “Ingat na lang,” napangiti niyang sagot sa amin.
“Napaliwanag naman niya niya nang mahusay. Basta ingat na lang sa susunod,” maingat din niyang pahayag.
Malalapit kay Nora sumagot sa panghihingi nito ng ayuda
Nag-react ang ilang taong malapit kay Lotlot de Leon sa inilabas na blind item tungkol sa isang showbiz mother na humihingi raw ng ayuda sa kanyang mga anak.
Idinetalye sa kuwentong iyun na nagbigay daw ang unang anak, pero walang cash na ibinigay.
Humingi rin daw sa pangalawang anak na hindi nito kasundo, at nagbigay naman daw ng groceries at wala ring cash.
Pati raw sa pangatlo groceries din ang ibinigay, at walang cash.
May binanggit pa BI na iyun na dumaan sa rehab ang nanay na may kasamang bad influence sa kanya na nagdadala sa Casino.
Wala ka namang ibang maisip sa kuwentong iyun kundi si Nora Aunor at ang mga anak niyang sina Ian, Lotlot at Matet.
Nilinaw ito ng isang taong malapit kay Lotlot kung totoo ba iyon. Itinanggi ito ng aktres. Wala raw ganung pangyayari. Kinlaro rin ni Lotlot kina Ian at Matet, hindi raw totoo iyun.
Sa totoo lang, si Nora pa nga raw ang nagbibigay ng tulong sa ilang kaibigan, sabi ng isang reporter na close sa Superstar.
Ayaw na lang mag-react ni Lotlot dahil blind item naman, pero obvious namang sila ang tinutukoy.
Ang ilang taong malapit lang sa aktres ang umalma dahil baka isipin pa raw ni Ate Guy na galing ito sa kampo nina Lotlot. Kaya nililinaw nilang isang malaking ‘fake news’ ang blind item na iyon.
Binabati nga pala namin ng happy birthday ang nag-iisang Superstar Nora Aunor!
Guidelines sa new normal sa shooting at taping, nilinaw
Nilinaw ng mga bumubuo ng Inter-Guild Alliance na hindi nila binabalewala ang binuong protocol o guidelines ng FDCP para sa mga audio-visual workers na dapat sundin kapag bumalik sa trabaho ang movie and television production.
Naunang naglabas ng guidelines ang FDCP, at sinabi naman ng mga taga-IGA na hindi nila isinantabi ang ginawa ng taga-FDCP pero mas malawak at mas detalyado raw ang ginawa ng Inter-Guild Alliance na binuo ng iba’t-ibang guilds.
“Mas madaling sundan ang IGA,” pakli ni direk Joey Reyes.
Kasado na nga ang ibang produksyon sa pagbabalik trabaho at aware naman silang merong kailangang sundin na guidelines para matiyak lang ang kaligtasan ng mga nagtatrabaho lalo na’t hindi pa talaga tayo safe dito sa pagkalat ng COVID-19.
Kaya nabuo itong mga guidelines na masusing pinag-usapan at pinag-aralan mula sa iba’t-ibang guilds.
Humarap sila sa isang press conference via Zoom para ipahayag na ang buong PMPPA o Philippine Motion Pictures Producers Association ay nagkakaisa na itong guidelines mula sa Inter-Guild Alliance ang susundin nilang lahat. “Nagkasundo ang mga producers at ang Inter-Guild Alliance.
“Nagpapahayag ito that we are supporting the IGA protocol. This is the protocol that will be followed by all productions,” sabi pa ni Direk Joey.